ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 20, 2021
Dear Doc. Shane,
Ang kapatid ko ay single mom at kapapanganak pa lamang sa kanyang panganay. Limang araw na ang nakalilipas mula nang manganak siya ay namamaga pa rin ang kanyang mga paa. Kailan kaya ito mawawala at normal lang ba ito? – Baldo
Sagot
Ang pamamaga ay kusang mawawala habang pinakakawalan ng katawan ang sobrang tubig na naipon sa loob ng huling mga buwan ng pagbubuntis. Ang kidney ang responsable sa ganitong uri ng paglilinis na maaaring mangahulugan na ang bagong panganak ay iihi nang mas madalas kumpara sa dati. Ang balat ay maglalabas din ng tubig sa pamamagitan ng pagpapawis nang mas marami.
Ang pamamanas o pamamaga ng mga paa ilang araw matapos manganak ay bibihirang maging seryosong problema. Ito ay kusang nawawala pagdaan ng ilang araw. Subalit, kung ang pamamaga ay hindi mawala sa loob ng isang linggo o kaya ay may kasamang matinding pagsakit ng ulo o sakit ng mga paa, kailangang magpunta agad sa health center o magpakonsulta sa doktor dahil ito ay maaaring palatandaan ng mataas na presyon ng dugo.
Comments