ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | January 19, 2021
Dear Doc. Shane,
Wala sa lahi namin ang sakit sa puso subalit, nakararamdam ako ng pananakit ng dibdib na umaabot sa aking mga balikat hanggang sa panga. Ito ba ‘yung tinatawag nilang angina? Pakitalakay naman ang tungkol sa angina at kung ano ang sanhi nito? – Cesar
Sagot
Ang angina o angina pectoris ay bunga ng kaunting pagdaloy ng dugo at kakulangan ng oxygen sa puso. Kailangan ng puso ang mga ito para normal na mag-function para sa buong katawan. Kapag ang coronary arteries o ang mga pangunahing ugat sa puso ay nabarahan, napipigilan ang tamang pagdaloy ng tamang supply ng dugo sa puso at karaniwang nagdudulot ng coronary heart disease.
Maaaring angina ang pagkakaroon ng masikip na pakiramdam sa dibdib na umaabot din ang pananakit na dulot nito sa mga bahagi ng likod, panga, leeg at maaaring umabot hanggang sa mga kamay.
May dalawang uri ang angina:
Stable angina o chronic angina. Nangyayari dulot ng pisikal na gawain o emosyon. Tumatagal ito ng ilang segundo hanggang isang minuto. Ang pagpapahinga at pag-inom ng nitrogylcerin ay nakatutulong sa pagginhawa ng pakiramdam.
Unstable angina. Hindi inaasahang pananakit ang karaniwang mararanasan dito. Hindi napagiginhawa ng pagpapahinga at nitroglycerin ang ganitong uri ng angina at habang tumatagal ay lumalala ito, senyales ito ng malubhang pagbabara sa ugat ng puso.
Ang angina ay senyales o babala ng atake sa puso. Maraming uri ng sakit sa puso ang namamana kaya kung sa tingin mo ay at risk kang magkaroon ng sakit sa puso, marapat lamang na magpatingin sa espesyalista.
Hindi rin ligtas ang mga walang history ng sakit sa puso sa pamilya dahil ang sakit sa puso ay maaari ring dulot ng unhealthy lifestyle.
Ilang tips para makaiwas sa angina at iba pang sakit sa puso:
pagkontrol sa cholesterol
paghinto sa bisyo
pag-eehersisyo
regular na pag-inom ng gamot
regular na pagkonsulta sa doktor
Comentários