ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 8, 2021
Dear Doc. Shane,
Nagtataka ako dahil mas mababa ang presyon ng aking dugo kaysa sa normal. Minsan ay 90/70 o 90/60. Normal ba ‘yun para sa aking edad na 53? – Robin
Sagot
Ang presyon ng dugo ay ang puwersa ng dugo na tumutulak sa mga pangunahing ugat ng katawan habang ibinubuga ito ng puso at ang puwersang ito ay nananatiling pareho sa buong magdamag. Ito ay maaaring magbago para makamtan ang pangangailangan ng katawan at apektado ng iba’t ibang aspeto tulad ng posisyon ng katawan, paghinga, estadong emosyunal, ehersisyo at pagtulog.
Sinusukat ito bilang systolic pressure at diastolic pressure gamit ang sphygmanometer at stethoscope. Ang systolic pressure ay ang presyon ng dugo kapag ang puso ay tumitibok habang nagbubuga ng dugo. Ang diastolic pressure ay ang presyon ng dugo habang ang puso ay nagpapahinga sa pagitan ng mga tibok nito.
Ang normal na presyon ng dugo sa mga taong edad 18 pataas ay 120/80 mmHg. Mas madalas na nabibigyan ng atensiyon ang numero na nasa itaas o ang systolic pressure bilang malaking aspeto sa mga karamdamang may kinalaman sa sistemang sirkulatoryo sa mga taong lampas na sa edad 50.
Ang hypotension ay tinatawag na mababang presyon ng dugo. Ito ang kondisyon kung saan ang presyon ng dugo na umiikot sa buong katawan ay mas mahina kumpara sa normal. Masasabing may low blood pressure kapag ang nakuhang sukat na presyon ng dugo ay umaabot na ng 90/60 mmHg. Kadalasan, ang mga kaso ng low blood pressure ay nakapagdudulot lamang ng mga simpleng sintomas tulad ng pagkahilo at pagkahimatay.
Ang low blood pressure kung walang kasamang mga sintomas ay maaaring isang tanda ng malusog na puso at katawan. Natural ang low blood pressure sa mga taong atleta o mahilig mag-exercise. Ngunit, ang lahat ng tao ay maaaring makaranas ng mababang presyon ng dugo. Maaaring mas mapadalas sa mga taong may edad 65 pataas. Ang pagbagsak ng presyon ng dugo ay maaaring dulot ng kondisyon o mga sakit. Tulad ng pagbubuntis, kondisyon o sakit sa puso, mahinang pagbomba ng puso, dilated o lumawak na mga ugat, mga sirang balbula ng puso, Parkinson’s disease, kondisyon o sakit sa mga glandula ng katawan tulad ng thyroid at adrenal glands, hypoglycemia, diabetes, dehydration, sobrang mainit na tubig o sauna, sunstroke, biglaang emotional shock, pagkawala o pagkabawas ng dugo, matinding impeksiyon sa katawan, matinding allergy o anaphylaxis, kakulangan ng sustansiya sa katawan tulad ng Vitamin B-12 at Folate at pag-inom ng mga gamot tulad ng diuretics, alpha blockers, beta blockers at antidepressants.
Ang biglang pagbagsak ng presyon ng dugo ay maaaring nakamamatay dahil maaaring ito ay sanhi ng hemorrhage o internal bleeding, severe allergic reaction, mababa o sobrang taas na body temperature, heart attack o impeksiyon sa dugo o sepsis. Magpatingin na agad sa doktor sakaling ganito ang sitwasyon.
Comments