ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 24, 2020
Nalusutan ni Pinoy hotshot Jeffrey De Luna ang matinding hamon ng dating world no. 1 na si Jayson Shaw ng Scotland, 2-1, upang makapasok sa quarterfinals ng Predator One Pool 10 Online Challenge.
Sa gitna ng patuloy na pananalasa sa buong mundo ng COVID-19 na pandemya, naungusan ni De Luna, isang 2019 US 9-Ball Open Championships podium finisher, si Shaw sa unang salpukan, 60-55, pero hindi siya umubra sa rumesbak na Scottish ace sa pangalawang game, 40-60. Muling umusok ang mesa sa do-or-die na game 3 pero hindi nagpakaldag si De Luna para sa isang dikdikan uling panalo, 60-56.
Si Shaw, hari ng 2019 International 9-Ball Open at ng 2020 Derby City Classic Big Foot Challenge, ang pangalawang biktima ng Pinoy sa torneo. Nauna rito, sa round-of-16, inilampaso ni De Luna si Naser Al-Mujaibel ng Kuwait, 2-0. Hindi pinaporma ng 36-anyos na Pinoy si Al-Mujaibel sa tulong ng 60-53 at 60-31 na mga rekord.
Nakaharang sa tulay ni De Luna, kampeon sa 2019 Bogies Classic 10-Ball, papuntang semifinals si Austrian Albin Ouschan sa round-of-8 na duelo. Paghihiganti ang nakamarka sa sentido ng Pinoy dahil sa 2019 World Cup of Pool, Austria ang pumigil sa tambalan nina De Luna at Carlo Biado para maging kampeon ang Pilipinas. Bahagi ng koponan ng Austria ang 32-taong-gulang na si Ouschan.
Bukod kina De Luna at Shaw, nasa final 8 na rin ang mga matitikas na mga manunumbok na sina Fedor Gorst (Russia), Naoyuki Oi (Japan), Tyler Styler (USA), Thorsten Hohmann (Germany) at Eklent Kasi (Albania).
Tanging si De Luna lang ang Pinoy na inimbitahang lumahok sa torneo.
Comments