top of page
Search
BULGAR

World One Pool 10x4: Carlo Biado, kampeon

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | December 19, 2020




Itinanghal na kampeon si Carlo “The Black Tiger” Biado ng Pilipinas matapos itong mangibabaw sa apat na kataong finals kabilang na ang pangalawa sa pinakamalupit na cue artist sa mundo na si Joshua “The Killer” Filler ng Germany sa pinakaunang edisyon ng online na tumbukang tinawag na Predator One Pool 10x4 World One Pool 10-Ball Tournament.


Muling ipinakita ni Biado ang pormang nagbigay sa kanya ng gintong medalya sa 9-Ball event ng 2017 World Games at ng trono sa World Pool Billiards Association (WPA) 9-Ball Championships may tatlong taon na ang nakakalipas upang mamayagpag sa kakaibang torneo ng cue artists na tumutulong sa pagsawata sa pandemyang nagpabagal sa daigdig ng isports.


Umiskor si Biado sa finals ng 115 puntos kontra sa 93 puntos ni Filler, 103 puntos ni WPA no. 4 Fedor Gorst ng Russia at ang 42 ng sorpresang finalist na si Aloysius Yapp ng Singapore.


All I can say is, Thank you everyone,” ani Biado, tumulong para maging runner-up ang bansa sa 2019 World Cup of Pool, sa isang pahayag ng pasasalamat at kagalakan. “All my hardwork really paid off. Mabuhay tayong mga Pinoy!” dagdag pa niya sa isang post sa social media.


Sa kahabaan ng paligsahan, hindi nawala ang tikas ng laro ng kampeong Pinoy. Noong unang salpukan sa knockout round, nagposte siya ng umuusok na 127 puntos, 112 puntos noong round-of-16 habang 116 puntos ang naging kartada niya nang ginanap ang semifinals.


Bukod kay Biado, nagningning din si Jayson Nuguid, isang Pinoy na nakabase sa United Arab Emirates bilang Hall Manager sa isang bilyaran, nang makapasok siya sa walo-kataong semifinals.


Hindi basta-basta ang mga naghangad na makaakyat sa trono pero pawang mga naglaway na lang dahil sa lupit ng Pinoy. Kabilang sa listahan sina Polish Konrad Jusczcyszy, Tyler Styler ng United States, mainstay ng World Cup of Pool Champion Austria na si Mario He, Hapones na si Naoyuki Oi, ang Rusong si Ruslan Chinakhov, Ralf Souquet ng Germany, Kastilang si David Alcaide at ang Italyanong si Stefano Delano.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page