top of page
Search

Work from home, optional na sa Alert Level 1 – DTI

BULGAR

ni Lolet Abania | February 28, 2022



Magiging optional na ang work-from-home arrangement sa mga lugar na isasailalim sa Alert Level 1 sa susunod na buwan dahil na rin sa bumubuting sitwasyon ng COVID-19 sa bansa, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).


Sa isang interview ngayong Lunes kay DTI Secretary Ramon Lopez, sinabi nitong hinihikayat na ang pagkakaroon ng mga onsite work sa ilalim ng Alert Level 1.


“Ie-encourage ‘yung onsite work [under Alert Level 1], ibig sabihin less na ‘yung work from home, magiging optional na ‘yung work from home,” sabi ni Lopez.


Asahan na mangyari ito para aniya, lumakas ang mga negosyo, gaya ng mga stores at restaurants dahil sa marami na ring tao ang lalabas ng kanilang mga bahay.


“Ang maganda dito kapag pumapasok na uli ‘yung mga tao physically, nabubuhay ‘yung mga restaurants at ‘yung mga tindahan, ‘yung mga stores, kasi nasa labas ‘yung mga tao at wala na sa bahay,” paliwanag ni Lopez.


Una nang inanunsiyo ng gobyerno nitong weekend na isasailalim ang National Capital Region (NCR) at marami pang lugar sa bansa sa Alert Level 1 mula Marso 1 hanggang 15, 2022.


Ayon kay Lopez, sa ilalim ng Alert Level 1, lahat ng establisimyento, mga tao, o aktibidad ay pinapayagan nang mag-operate ng 100% capacity. Gayunman, ang vaccination requirement ay mananatili para sa indoor activities.


“Magbubukas ang ekonomiya but less ang restrictions,” ani opisyal.


Sinabi pa ni Lopez na ang requirements para sa intrazonal at interzonal travels ay mababawasan na rin.


“Wala na ‘yung requirement na RT-PCR [test], ‘yung mga PNP clearance. Pero malaking bagay pa rin ‘yung vaccination card,” saad pa ni Lopez.

0 comments

Recent Posts

See All

Komentāri


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page