ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 01, 2021
Itinumba ni untitled Francois Marie Magpily ng Pilipinas si pre-tournament favorite at Botswana ace Woman International Master Francis Onkemetse sa pang-11 at huling round upang mahablot ang huling upuan sa podium ng bakbakang online na binansagang FIDE Queen’s Chess Festival - Finals.
Ang tagumpay ni Magpily ay nag-angat sa produksyon ng dalagitang Pinay, may 1757 na rating, papunta sa kabuuang 8.5 puntos at naging susi sa pagsalba ng pangatlong baytang sa pangkat ng chessers na may rating na 1500 hanggang 1799. Sina Analia Karen Vargas Miranda (Ecuador, 10.0 puntos) at Woman Candidate Master Dahamdi M. K. Sanudula (Sri Lanka, 9.5 puntos) ang kumuha ng unang dalawang puwesto ng tunggaliang nilahukan ng chessers galing sa Africa, Asia, America at Europe.
Bago ang Round 11, pinatid din ni dating Youth Active Chess titilist Magpily ang isa pang title chesser noong penultimate round (Woman FIDE Master Sasha Mongeli, Kenya) at hinugutan ng kalahating puntos si Sanudula nang magharap sila sa Round 9 ng kaganapang nabuo mula sa inspirasyon hatid na rin ng Netflix chess classic na Queen’s Gambit.
Nauna rito, nakapasok sa finals si Magpily nang magrehistro ng walong puntos at maselyuhan ang pangatlong baytang sa qualifiers sa likod ng isang kinatawan mula sa Khazakstan (Elnaz Kaliakhmet, 9.0 puntos) at sa Sri Lanka (Sanudula, 8.5 puntos) sa paligsahang inorganisa ng FIDE Women’s Commission.
Samantala, nakatakda namang sumalang na si Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna sa FIDE World Cup sa Galaxy Entertaining Center ng Gazprom Mountain Resort sa Krasnaya Polotana, Sochi simula ngayong Hulyo 12, 2021.
Mabigat na katunggali ang naghihintay sa Pinay champion woodpusher dahil si Grandmaster Thanh Trang Hoang ng Hungary ang kanyang nakatapat sa draw. Ang masaklap pa ay minsan nang nagharap ang dalawa at tumiklop si Frayna sa tubong Vietnam na karibal.
Comentarios