ni Anthony E. Servinio @Sports | March 7, 2023
Laro sa Miyerkules – Laos National Stadium, Vientiane
5:00 PM Pilipinas vs. Tsina
Sisikapin ng Philippine Women’s Football National Team na makapasok sa 2024 AFC Under-20 Women’s Asian Cup sa pagsipa ng qualifiers ngayong Miyerkules (Marso 8) sa National Stadium sa Vientiane, Laos. Malaking hamon ang haharapin agad ng Filipinas sa katauhan ng Tsina simula 5:00 ng hapon, oras sa Pilipinas.
Susunod ang mga laro kontra host Laos sa Biyernes at Hong Kong sa LInggo. Maglalaro ang apat na bansa ng single round robin at ang numero uno lang ang tutuloy sa Round 2 sa Hunyo.
Naglabas ang Philippine Football Federation ng listahan ng 23 manlalaro sa pangunguna ng tatlong beterana ng Senior Filipinas na sina forward Isabella Flanigan, defender Chantelle Maniti at goalkeeper Kaiya Jota. Ang iba pa ay inakyat mula sa Under-18 o natuklas sa masinsinan na tryout na ginanap sa California, Cebu, Davao at Carmona, Cavite noong Enero sa gabay ni Coach Nahuel Arrarte.
Sasamahan si Flanigan sa atake nina Jodi Mae Banzon, Jada Louise Bicierro, Elaine Pimentel, Ariana Salvador at Chayse Ying. Binubuo ang midfield nina Jonalyn Lucban, Jade Anne Jalique, Sabrina Isabel Go, Tamara Elly Lisser, Natalie Rae Oca, Sabine Alexi Ramos at Isabella Pasion.
Si Jota ang napipisil na numero unong goalkeeper at tutulungan siya nina Jessa Mae Lehayan at Alexis Louise Tan. Maliban kay Maniti, ang iba pang defender ay sina Rae Mikella Tolentino, Kylie Ann Yap, Julia Gabrielle Benitez, Robyn Eara Dizon, Journey Hawkins at Arian Isabella Markey.
Samantala, nagtala ng 5-0 panalo ang Kaya FC Iloilo laban sa Maharlika FC Manila sa 2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways noong Sabado sa Rizal Memorial Stadium.
Comments