ni Anthony E. Servinio @Sports | March 15, 2023
Naisalba ng Philippine Women’s Football National Team ang pinaghirapang 2-2 tabla kontra Hong Kong sa pagwawakas ng 2024 AFC Women’s Under-20 Asian Cup Qualifiers Round One Linggo ng gabi sa Laos National Stadium. Sa kasamaang palad, hindi sapat upang makapasok ang Filipinas sa Round 2 ngayong Hunyo.
Kinailangan ng mga Pinay ang goal ni Isabella Pasion sa ika-54 minuto upang mapantay ang iskor sa 2-2. Bago noon ay unang nakapuntos ang Filipinas sa ika-11 minuto salamat kay Robyn Dizon subalit biglang naagaw ng Hong Kong ang lamang bago magwakas ang first half sa mga goal nina Alexis Lee sa ika-24 at Anke Leung sa ika-45 minuto, 2-1.
Tinapos ng Filipinas ang torneo na may apat na puntos mula isang panalo, isang tabla at isang talo at pumangalawa sa apat na bansa. Ang nag-iisang tiket ay napunta sa Tsina na winalis ang tatlong laro kasama ang 8-0 resulta laban sa Laos sa sumunod na laro.
Maliban sa Tsina, ang iba pang tutuloy sa Round 2 ay Australia, Vietnam, Myanmar, Iran, Nepal, Lebanon at Chinese-Taipei. Paglalabanan nila ang apat na upuan at samahan ang Japan, Hilagang Korea, Timog Korea at host Uzbekistan sa torneo sa Marso, 2024.
Sa 2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways, sumandal ang Dynamic Herb Cebu FC sa goal ni Daniel Gadia upang talunin ang Azkals Development Team, 2-1, noong Sabado sa Rizal Memorial Stadium. Nag-ambag ng mga goal sina Jarvey Gayoso (4’), Mar Vincent Diano (13’) at Arnel Amita (92’) para sa Kaya Iloilo FC at nanaig sa Stallion Laguna FC, 3-0, habang nakamit ng Maharlika Manila FC ang unang tagumpay sa liga at tinakasan ang Mendiola 1991 FC, 1-0, sa likod ng goal ni Zachary Ford sa ika-30 minuto.
Comments