ni Fely Ng - @Bulgarific | December 20, 2022
Hello, Bulgarians! Ipinakilala ng Social Security System (SSS) ang Worker’s Investment and Savings Program (WISP) Plus, ang pinakabagong retirement savings scheme para sa mga miyembro ng SSS.
Sa isang press briefing, ipinaliwanag ni SSS President at Chief Executive Officer Michael G. Regino na ang WISP Plus ay isang voluntary retirement savings program na eksklusibong inaalok sa mga miyembro ng SSS bilang karagdagan sa regular nitong social security program.
“We have been spearheading the concept of work, save, invest, and prosper to our members. WISP Plus is a program both for saving and investing. It is an affordable and tax-free savings scheme which will allow our members to save by contributing to the program and invest because their money will generate earnings,” pahayag ni Regino.
Ipinaliwanag pa ng SSS Chief na ang WISP Plus ay nagsisilbing karagdagang layer ng social security protection bukod sa retirement benefits na kanilang matatanggap mula sa regular na SSS program hanggang sa kanilang pagreretiro.
“For as low as P500 per payment, SSS members can already contribute to the WISP Plus and pay their contribution anytime. We offer our members investment earnings based on rates higher than those provided by banks,” dagdag pa niya.
Ang mga interesadong miyembro ay maaaring sumali sa WISP Plus sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga tuntunin at kondisyon ng programa, gamit ang kanilang My.SSS account. Isang beses lang sila makakapag-apply para sa WISP Plus, at walang expiration ang membership sa program. Kailangang hindi sila nakapag-file ng anumang final benefit claim, tulad ng retirement o total disability benefits, upang maging kwalipikado sa programa.
Sa kasalukuyan, ang SSS ay nagpapatupad na ng dalawang boluntaryong provident fund program – ang Flexi-fund Program para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na naninirahan sa ibang bansa, at ang Personal Equity and Savings Option (PESO) Fund na inaalok sa mga miyembrong naninirahan sa Pilipinas at nagbabayad ng pinakamataas na buwanang kontribusyon. Ang dalawang programa ay magiging bahagi ng WISP Plus.
Samantala, inihayag din ni Regino sa press briefing na simula Enero 1, 2023, ang bagong SSS contribution rate ay magiging 14 percent, 1 percentage point increase mula sa kasalukuyang 13 percent. Ito ay bahagi ng pagpapatupad ng Social Security Act of 2018.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.
Comments