ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | December 24, 2022
Lahat tayo ay nae-excite na sa Pasko dahil bukod sa pagdiriwang ng kapanganakan ng Dakilang Mesiyas, may oras tayo para makapiling ang ating mga mahal sa buhay, lalo na ang pamilya at mga kaibigan; at maisasagawa ang mga nakamulatan nating Christmas traditions.
Maligayang Pasko sa ating lahat, hangad natin ang kaligayahan at kaligtasan sa napakadakilang okasyon.
Kung hindi makabibigat, lalo na sa mga kababayan nating mas nakaluluwag sa buhay, isagawa sana natin ang tunay na diwa ng Pasko—ang pagmamahalan at pagbibigayan. Gawin natin ang ginawa ng tatlong Haring Mago sa batang si Hesus, na isinilang sa sabsaban na pinagkalooban nila ng mga aginaldo. Sa ating parte, pagmalasakitan natin ang mahihirap na kababayan at higit na nangangailangan sa abot ng ating makakaya.
Kapag nagbahagi tayo ng serbisyo at malasakit sa kapwa—Pasko man o ordinaryong araw—isinasabuhay natin ang pagmamahal ng Diyos. Niyayakap natin ang kapayapaan at tunay na kapatid tayo sa ating mga kapwa Pilipino. At sana ay gawin natin ito hindi lang sa araw ng Pasko. Minsan lang tayong daraan sa mundo, gawin natin ang pinakamabuti para sa ating mga kababayan at ipagpatuloy ang nasimulang pagkakaisa at pagbabayanihan.
Samantala, tuluy-tuloy ang ating ginagawang pagbisita sa iba’t ibang komunidad sa kabila ng ating kaabalahan sa mga gawain sa Senado at iba pang official functions.
Noong December 18 ay bumiyahe tayo sa Enrile, Cagayan at personal na pinangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa kanilang kalahating libo na mahihirap na residente. Nagpapasalamat tayo sa mainit na pagtanggap at sa isinagawang “Pascua Kang Enrile”, kung saan sa pamamagitan ng Resolution No. 106, na ipinasa ng kanilang Sangguniang Bayan, idineklara tayo bilang adopted son ng bayan ng Enrile. Salamat sa napakalaking karangalan.
Matapos ang mga aktibidad sa Enrile ay dumiretso tayo sa Tuguegarao City para dumalo at makiisa sa 23rd Foundation Day. Sinamantala natin ang pagkakataon para magkaloob ng tulong sa kalahating libong residente na nahaharap sa iba’t ibang krisis.
Kinabukasan, December 19, biyaheng Sablayan, Occidental Mindoro naman tayo at sinaksihan ang groundbreaking ng itatayong Sablayan Super Health Center doon. Dalawang magkahiwalay na relief operations din ang ating personal na pinangunahan at naalalayan natin ang may kabuuang 856 kanilang residente. Nakatutuwang maging sa Sablayan ay idineklara rin tayo bilang adopted son ng kanilang bayan—na bayan na rin natin ngayon.
Kasama naman si dating pangulong Rodrigo Duterte, noong December 20 ay dinalaw namin ang mga batang pasyenteng may cancer sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) Children’s Cancer Institute at sa House of Hope sa Davao City para magbigay ng simpleng pamasko sa kanila. Mayor pa lang si Tatay Digong, malapit na sa kanya ang mga batang tinamaan ng cancer, na sa kabila ng kanilang kalagayan, nagpapakita ng tapang at tatag upang mabuhay. Taun-taon ginagawa ang simpleng paraan ng pagpapasaya sa kanila. Ang Christmas wish natin ay gumaling na ang mga batang ito sa kanilang karamdaman para makapamuhay nang normal, malusog at masaya tulad ng iba.
Kahapon ay pumunta tayo sa Nabunturan, Davao de Oro para bisitahin ang ating mga kababayan at saksihan ang groundbreaking ng Super Health Center. Kasunod nito ay namahagi tayo ng ayuda sa kalahating libong benepisaryo.
At tulad ng dati ay naglibot ang relief team para ipagpatuloy ang pangakong paghahatid ng serbisyo sa bawat Pilipinong nahaharap sa iba’t ibang krisis. Maagap tayong umalalay sa mga kababayang naging biktima ng sunog dahil napakahirap ng kanilang sitwasyon at nagkaloob tayo ng para sa kanilang gastusin at pangunahing pangangailangan, kabilang ang 38 pamilya sa Bgy. Bulacao, Talisay City, Cebu; siyam sa Medina Misamis Oriental; siyam pa sa Santa Ana, Pampanga.
Nahatiran din natin ng ayuda ang mahihirap na kababayan sa iba’t ibang komunidad para gumaan ang kanilang pinagdaraan, tulad ng 350 na benepisaryo mula sa San Leonardo, Nueva Ecija; 300 sa Bgy. Dawis, Digos City; 183 sa Sugbongcogon, Misamis Oriental; 150 sa Angeles City, Pampanga; 144 sa Cagayan de Oro City; 120 sa Rizal; at 14 pa sa Prosperidad, Agusan del Sur.
Umaasa tayong maghahatid sa ating lahat ang Paskong ito ng panibagong pag-asa at lakas. Manalangin tayo ng kapayapaan, pag-unlad at kaligtasan para sa ating bayan at mamamayan—at nawa’y tuluyan na tayong makawala sa mga krisis na hatid ng pandemya, muling sumigla ang ekonomiya at sama-sama nating makamtan ang kaunlaran.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments