ni Lolet Abania | July 20, 2021
Ipinahayag ng isang opisyal mula sa PDP-Laban na pina-finalize na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang senatorial lineup ng kanilang ruling party para sa 2022 national elections.
“President Rodrigo Roa Duterte is now finalizing his senatorial line-up composed of reelectionist, returning senators, cabinet members, and prominent personalities,” ani Eastern Samar Governor Ben Evardone, PDP-Laban vice-president for Visayas.
Ayon kay Evardone, nasa inisyal na listahan sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar, Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, Presidential Spokesperson Harry Roque, Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade, Department of Labor (DOLE) Secretary Silvestre Bello III, at Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Kabilang din sina House Deputy Speaker Loren Legarda, Information and Communications Chief Gregorio Honasan II, Senate Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri, former Senator JV Ejercito, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, Presidential Anti-Corruption Commission Greco Belgica, at Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar.
Ang iba pang personalities na nakasama sa listahan sa posibleng senatorial candidates ay sina Willie Revillame at Robin Padilla, at ang broadcaster na si Raffy Tulfo.
Ayon kay Evardone, personal na ikinakampanya ni Pangulong Duterte ang mga kandidatong ito at lahat sila ay susuportahan ng PDP-Laban.
Sinabi pa ng opisyal na naging basehan sa pagpili sa mga nasabing indibidwal ang kanilang track record sa serbisyo-publiko, integridad, kakayahan, at kanilang ‘unselfish commitment’ na maglingkod sa mga mahihirap at mga less fortunate na kababayan.
Gayunman, ayon kay Evardone, kumokonsulta pa at pinag-aaralan ng Pangulo ang kabuuan ng ieendorso para sa tatakbo sa senatorial race.
“PRRD’s endorsement power is very potent because of his enormous popularity,” aniya.
Komentar