ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | July 12, 2021
Labis na nabagbag ang kalooban ng Wowowin host na si Willie Revillame sa kalunus-lunos na sinapit ng mga sundalong nasawi/nasugatan nang mag-crash ang Airforce C-130 cargo plane sa Patikul, Sulu.
Umabot na sa 52 ang namatay at 47 ang malubhang nasugatan. Labis na namimighati ang pamilya ng mga namatay na sundalo. May mga anak, asawa at kapatid at magulang silang naiwan.
Hindi rin biro ang pinsala sa mga naka-survive sa plane crash na karamihan ay nagtamo ng mga sugat at sunog sa katawan, kaya naman nag-pledge si Willie at nag-donate ng P5.2 M na pantulong sa pamilya ng mga nasawi at nasugatan.
Sa ganitong mga kaganapan ay hindi nakakatiiis ang Wowowin host na magbahagi ng tulong sa mga naulila.
Samantala, malaking pressure kay Revillame ang gagawin niyang pagdedesisyon sa alok sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbong senador sa darating na 2022 elections.
Kasama siya sa top list ng mga senatoriables na naka-line-up sa partido ng pangulo. Pero ang unang nakapigil kay Willie na pumasok sa pulitika ay ang iiwanan niyang programa — ang Wowowin.
Paano na raw ang mga taong umaasa sa tulong ng kanyang programa? Sino ang magtutuloy nito kapag iniwan na niya ang Wowowin?
Major decision ito para kay Revillame at marami ang nag-aabang sa kanyang susunod na hakbang.
Well, sa ngayon ay idinadaan na lang ni Willie sa dasal ang lahat at humihingi siya ng gabay sa Diyos upang makagawa ng tamang desisyon. Pero pangako niya sa lahat ng tumatangkilik ng Wowowin na ipapaalam niya sa lahat ang kanyang final decision.
Sa dami ng natulungan ni Revillame, kahit na hindi pa siya pulitiko, tiyak na may tiwala sa kanya ang publiko.
Maiiba nga lang ang kanyang mundo kapag siya ay ganap nang senador.
Comments