ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | October 19, 2022
KATANUNGAN
Ang ikokonsulta ko sa inyo, Maestro, ay tungkol sa pag-ibig o pag-aasawa. Gusto kong malaman kung sa edad ko bang 42 ay makakapag-asawa pa ako? Nakita ko kasi sa guhit ng aking mga palad na ako ay may isa at maikling Marriage Line, na palagi n’yong tinatalakay.
Pero sa totoo lang, hindi pa ako nagkaka-boyfriend sa buong buhay ko. Minsan ay umaasa pa rin ako na kahit ganito na ang edad ko, isang araw ay may darating na Mr. Right sa aking buhay. Maestro, may darating pa bang lalaki sa buhay ko, kung mayroon, saan ko siya makikilala at kailan siya darating?
KASAGUTAN
Dahil Virgo ang zodiac sign mo, posibleng makilala mo ang lalaking mapapangasawa mo sa pamamagitan ng modernong komunikasyon o may kaugnayan sa komunikasyon. Maaaring ang sitwasyon ay maging textmate mo siya, magiging friend sa Facebook, makilala mo siya habang nagti-TikTok o YouTube at sa iba pang social media platform na usong-uso ngayon.
Ang key word para sa mga Virgo ay “communication” at “transportation”. Kaya bukod sa komunikasyon, puwede mo rin siyang makilala habang naglalakbay ka, maaaring nakasakay ka sa pampublikong sasakyan, barko, eroplano atbp.
Samantala, tama ka dahil may kaisa-isang Marriage Line (Drawing A, at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ang problema, medyo maikli ang nasabing guhit at hindi masyadong kumapal. Ibig sabihin, nakatakda rin sa kapalaran mo ang posibilidad ng pagtandang dalaga. Gayunman, palagi nating sinasabi na ang isang indibidwal ay kailangang maging kabahagi o kasalungat ng kanyang takdang kapalaran kung siya ay nagtataglay ng strong will power, na nakikita naman sa napakalaking bahagi ng itaas na hati ng hinlalaki (arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ibig sabihin, kahit 42-anyos ka na ngayon, kapag ginusto mong mag-asawa, magagawa mo ‘yan dahil tulad ng nasabi na, bukod sa may Marriage Line (arrow a.) ka naman sa kaliwa at kanan mong palad, nagtataglay ka rin ng strong will power (arrow b.), na kinumpirma ng birth date mong otso (8), na isang strong number.
Ito ay tanda rin na matigas ang iyong ulo at minsan ay buo ang iyong loob, hindi mo lang ito masyadong sinasanay. Pero kapag sinanay mo ang pagiging matigas ang ulo at makulit sa kagustuhang makapag-asawa, walang magagawa ang nakatakdang kapalaran kundi pag-asawahin ka.
DAPAT GAWIN
Marionette, ang nasabing pag-aasawa, na ikaw din ang gagawa at magpapasya, ayon sa iyong mga datos na kinumpirma ng maikli mong Marriage Line (1-M arrow a.), pero malaki at matabang itaas na bahagi ng hinlalaki (arrow b.), magagawa mo itong matupad sa taong 2024, sa buwan ng Mayo o Oktubre at sa edad mong 44 pataas.
Comentarios