ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 21, 2024
Ginunita nitong Lunes, Agosto 19, 2024, ang ika-146 na anibersaryo ng pagsilang ni Manuel L. Quezon, ang pangulo ng Pilipinas noong panahong ang ating kapuluan ay commonwealth sa ilalim ng Estados Unidos.
Ipinagdiriwang ang Buwan ng Wikang Pambansa o Buwan ng Wika sa Agosto bilang parangal kay Pangulong Quezon sa kanyang paglayon na makapagtatag ng wikang pambansa, na instrumento sa pagpapalaganap at pagtatamo ng katarungang panlipunan.
Mahaba-haba rin ang naging ebolusyon ng Buwan ng Wika. Nagsimula ito bilang Linggo ng Wika noong panahon ng pagkapangulo ni Sergio Osmeña saklaw ang huling limang araw ng Marso hanggang sa ika-2 ng Abril, na kaarawan ng manunulang si Francisco Balagtas.
Noong si Pangulong Ramon Magsaysay ang presidente ng bansa, kanyang ipinalipat sa Agosto ang Linggo ng Wika upang mapabilang sa mga aktibidad pampaaralan at magwakas kada taon sa kaarawan ni Quezon, ang tinatanaw na Ama ng Wikang Pambansa. Noong 1997, minarapat ng administrasyon ni yumaong Pangulong Fidel Ramos na palawakin ang pagdiriwang sa kabuuan ng bawat Agosto imbes na isang linggo lamang.
Sa kasalukuyan, tila nagkaebolusyon din ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika, na ang pambansang tema sa taong ito ayon sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) ay “Filipino: Wikang Mapagpalaya”.
Patuloy pa ring basehan ang naturang selebrasyon ng mga espesyal na palatuntunan sa mga paaralan, na naglalayong maipamalas ang kagandahan ng wika at kulturang Pilipino, at nag-uudyok sa mga magulang na tumakbo sa Quiapo o iba pang lugar kung saan makakabili ng watawat ng Pilipinas at pambatang baro’t saya o Barong Tagalog.
Bukod pa rito ay may kani-kanyang aktibidad ang mga kaugnay na sangay sa mga pamantasan. Kabilang dito ang aking alma mater, ang Unibersidad ng Pilipinas, kung saan ang Sentro ng Wikang Filipino ay naglinya ng interesanteng mga aktibidad sa ilalim ng temang “Sulong: Wikang Filipino sa Malaya’t Mapagpalayang Akademya at Bayan,” kabilang ang “Piso Sale sa Sentro” na nag-aalok ng 35% diskuwento sa ilang publikasyon at “piso isang libro”.
Naging batayan na rin ang Buwan ng Wika para sa kakaibang mga programang pang-promosyon ng ilang mga kumpanyang pampubliko at maging ng ilang mga shopping mall. Sakto rin ang katatapos lamang na ika-20 na Cinemalaya, na sa pamamagitan ng ilang mga bago at lumang lokal na obra, ay nakapagpadagdag sa pagpalaganap ng ating wika habang itinataguyod ang pelikulang Pilipino.
Nakalulungkot lang na marami sa ating kabataan ang hirap sa pananagalog at mas sanay pang mag-Ingles, na maaaring impluwensiya ng katanyagan ng mga palabas at video games sa Ingles.
Sa kabilang banda, mabuti na lamang at may mga namamayagpag na palatuntunang Pinoy, gaya ng Maria Clara at Ibarra o maging ang Batang Quiapo, na malugod na sinusubaybayan ng ’di mabibilang nating mga kababayan. Isama pa natin ang inspirasyong dulot ng mga talentong Koreano na sikat sa buong mundo kahit hindi gamit ang lengguwaheng Ingles. Idagdag pa rito ang pagtuturo ng Tagalog, ang ikaapat na pinakaginagamit na wika sa Amerika, sa Harvard University simula ng nakaraang taon at posibleng pati sa Yale University sa lalong madaling panahon.
Nakapapataba rin ng ating makabayang puso ang pangingibabaw ng Filipino bilang wikang pambalita at pampahayagan, gaya na lamang dito sa BULGAR.
Kahit pa gamay nating makipag-usap sa mga dayuhan o sa isa’t isa gamit ang Ingles, iba pa rin ang saya at sarap na dulot ng paggamit ng wikang Filipino.
Sa mas matimbang na punto, makatutulong ang ating paggamit ng sariling wika sa pagpapaangat sa karunungan at kaalaman ng mas marami nating masang mamamayan tungo sa ingklusibong pag-unlad.
Kaya’t mahalin natin at panatilihing buhay ang ating sariling wika sa ating puso at diwa bilang tunay na mga Pilipino na nagmamahal sa ating bayang sinilangan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Yorumlar