ni Chit Luna @Brand Zone | May 12, 2023
Pinayuhan ng mga eksperto ang World Health Organization na bumuo ng mas epektibong “pandemic treaty” na kumikilala sa mga siyentipikong pag-aaral at iwasan ang mga pagkakamali ng FCTC—isang kasunduan na nabigong pigilan ang paglaganap ng paninigarilyo sa mundo.
Sa isang pag-aaral na inilathala sa journal na Health Security at pinamagatang “A Pandemic Treaty: Learning From Framework Convention on Tobacco Control,” nagbabala sina Dr. Michael De Luca at Dr. Mario L. Ramirez na mabibigo ang isang “pandemic treaty” kung ito ay isusunod sa kasalukuyang modelo ng FCTC.
Anila, ang FCTC ay isang halimbawa ng isang pandaigdigang kasunduan sa kalusugan na hindi na akma para sa layunin ng “pandemic treaty” dahil binalewala nito ang tinig ng publiko at tumangging kilalanin ang mga pinakabagong pagsulong sa siyensya.
Sabi pa nina Dr. De Luca at Dr. Ramirez, ang isang kasunduan na ibinase sa FCTC ay maglilimita sa mga bansa upang mabilis na makatugon sa iba pang pandemya sa hinaharap.
Si Dr. De Luca ay isang Disaster at Operational Medicine Fellow sa The George Washington University samantalang si Dr. Ramirez ay isang Emergency Medicine Physician sa Inova Fairfax Hospital.
“Ultimately, WHO and the global public health community would benefit from understanding and addressing the critiques of the FCTC, which could perhaps serve as the closest structural model upon which to build a pandemic treaty,” ayon sa mga may akda ng pag-aaral.
Sinang-ayunan ito ni Dr. Rafael Castillo, isang Pilipinong cardiologist na nagsilbi bilang pangulo ng Philippine Heart Association-Philippine College of Cardiology at ng Asia Pacific Society of Hypertension.
Ayon kay Dr. Castillo, ang pagsusuri sa mga umiiral na mga pandaigdigang kasunduan sa kalusugan tulad ng FCTC ay napakahalaga upang maiwasang maulit ang mga pagkakamali ng nakaraan.
Noong Disyembre 2021, sumang-ayon ang World Health Assembly ng WHO na bumuo ng isang kasunduan upang palakasin ang paghahanda at pagtugon sa pandemya.
Ang FCTC ay isang pandaigdigang kasunduan sa pagkontrol sa tabako sa ilalim ng WHO at pinamamahalaan ng Conference of Parties na binubuo ng mga kinatawan mula sa lahat ng bansang lumagda sa kasunduan. Nakatakdang isagawa ng FCTC ang ika-10 biennial meeting nito sa Nobyembre ngayong taon para talakayin ang pagpapatupad ng kasunduan at mga rekomendasyon sa patakaran.
“The pandemic treaty is meant to address the world’s existing shortcomings related to pandemic response and preparedness. As such, it must allow for greater flexibility than the FCTC, which not only failed to consider innovative solutions to the smoking problem, but also marginalized relevant stakeholders,” sabi ni Dr. Castillo.
Ayon ka Dr. De Luca at Dr. Ramirez, may tatlong pangunahing pagkakamali sa FCTC na dapat tugunan kung ito ay gagamitin bilang sanggunian para sa kasunduan sa pandemya. Ang mga ito ay tungkol sa patakaran sa harm reduction, paglahok ng pribadong sektor sa diskusyon at epekto nito sa low and middle-income countries o mahihirap na bansa.
Pinuna nina Dr. De Luca at Dr. Ramirez ang oposisyon ng FCTC sa mga bagong produkto ng tabako tulad ng heated tobacco at vape, na ipinapalagay ng mga pag-aaral na mas mababa ang peligrong dulot kumpara sa paninigarilyo at itinuturing na bahagi ng harm reduction.
Idiniin ng mga doktor na ang kasunduan sa pandemya ay dapat na may kakayahang umangkop upang makasabay sa pag-usad ng agham.
Ayon sa mga eksperto, ang harm reduction methods ay matagumpay na nailapat sa iba pang mga krisis sa kalusugan ng publiko tulad ng paggamit ng intravenous drugs at sa pagkontrol sa mga nakakahawang sakit tulad ng HIV/AIDS.
Sinabi naman ni Dr. Castillo na nabigo ang FCTC na makamit ang mga layunin nito. Aniya, habang naglalayon ang kasunduan na bawasan ang mga pagkamatay na may kaugnayan sa sigarilyo, binabalewala nito ang mga smoke-free products na nakakatulong bawasan ang pagkakalantad ng mga naninigarilyo sa mga nakakalason na kemikal mula sa usok ng tabako.
“The FCTC is a cautionary tale and clearly shows what not to do for a global pandemic agreement,” sabi pa ni Dr. Castillo.
Binanggit din ng pag-aaral ang pagbabawal ng FCTC sa mga pribadong industriya na makilahok sa diskusyon. Ito ay kabaligtaran ng ibang internasyonal na kasunduan tulad ng COP on Climate Change na kinabibilangan ng mga kalahok mula sa iba’t ibang sektor.
Tinukoy din ng mga may akda ang hindi pantay na epekto ng FCTC sa buong mundo. Partikular na tinukoy nila ang hindi pagbaba ng paninigarilyo sa mahihirap na bansa.
Ayon kay Dr. De Luca at Dr. Ramirez, napakahalaga na ang pandemic treaty ay susuporta sa mga mahihirap na bansa sa pamamagitan ng tulong teknikal at pinansyal para ipatupad ang mga hakbang nito.
Dagdag pa nila, ang isang pandemic treaty ay dapat husgahan sa kung gaano ito makakatulong sa pagbawas ng morbidity at mortality, social discord at pinsala sa ekonomiya.
Comments