top of page
Search

Wawakasan na ba ng Generals o babawi pa ang Luid sa NBL?

BULGAR

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 29, 2023



Laro ngayong Biyernes –Jun Duenas Gym

6:30 p.m. Taguig vs. Kapampangan


Ilalabas na ba ang mga walis ngayong Biyernes? Nakatutok ang Taguig Generals na wakasan ng maaga ang seryeng best-of-five para sa 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup subalit gagawin ng bisitang KBA Luid Kapampangan ang lahat upang manatiling buhay sa Game 3 simula 6:30 ng gabi sa Cong. Jun Duenas Gym sa Signal Village.


Mabagsik na porma ang inilabas ng Generals upang makuha ang Game 1, 92-74, at sinundan ng matinding pagparusa sa KBA Luid sa Game 2, 108-90. Nakalusot sa Kapampangan ang pagkakataon na maitabla ang serye sa 1-1 sa kanilang tahanan Colegio de Sebastian Gym sa San Fernando City.


Apat na General ang gumagawa ng 10 o higit na puntos bawat laro sa serye sa pamumuno ng mga makapigil-hiningang mga kinikilos nina Mike Jefferson Sampurna (18.5 PPG) at Dan Anthony Natividad (14.0 PPG). Nandiyan din ang tahimik pero epektibong tambalan nina Jonathan Lontoc (16.5 PPG) at Lerry John Mayo (13.0 PPG).


Matapos painitin ang elimination round at semifinals sa kanyang shooting, bumaba ang opensa ni Lhancer Khan ng KBA Luid mula 24.2 PPG sa 18.5 PPG sa finals at mahalaga na maibalik ang mga nawala niyang puntos. Humuhugot din ang Kapampangan ng puntos mula kay Marc Jhasper Manalang (20.0 PPG) at Miko Rainster Santos (11.5 PPG).


Bago ang laro, gagawaran ng liga ang Most Valuable Player at Mythical Five. Napipisil na nangungunang mga kandidato para sa pinakamataas na parangal sina Sampurna ng Taguig at Khan ng Kapampangan ayon na rin sa dami na nauwi nilang Best Player buhat noong nagbukas ang torneo noong Hunyo 16.

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page