ni Madel Moratillo @News | July 10, 2023
Mula sa 180.45 metro nitong Biyernes, bumaba pa sa 179.99 metro ang antas ng tubig sa Angat dam.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, ang antas na ito ay “below minimum” na ng operating level ng dam.
Dahil inaasahang lalo pang bababa ang tubig sa Angat Dam dahil sa El Niño, nagsabi na ang National Water Resources Board na babawasan nila ang alokasyon ng tubig sa Metro Manila at ng National Irrigation Administration hanggang katapusan ng buwan.
Dahil dito, nagbabala si Valenzuela City 2nd Dist. Rep. Eric Martinez ng isang “waterless Metro Manila”.
Panawagan ni Martinez, vice chairman ng House Committee on Appropriation, sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno at iba pang stakeholders, bigyang prayoridad ang paghahanda at maglatag ng pangmatagalang solusyon.
Karaniwan na kasi itong problema tuwing panahon ng El Niño.
90 porsyento aniya ng water supply ng Metro Manila ay galing sa Angat dam kaya dapat magsilbing wake-up call na ito.
Giit ni Martinez, long-term solution ang kailangan at hindi bandaid solution lalo at paulit-ulit na itong problema tuwing ganitong panahon.
Babala ng kongresista, ang kakulangan sa tubig ay may malaking epekto rin sa ekonomiya.
Panawagan nito, sama-samang aksyon ng lahat at magtipid sa tubig.
Comments