ni Mabel G. Vieron @Special Article | March 20, 2024
Ramdam na ramdam n’yo na ba ang summer mga Ka-BULGAR? Napakainit na ng panahon, hindi ba? Malamang nagpaplano na rin kayo ng mga lugar na pupuwedeng pasyalan at pagbakasyunan lalo na kung may sapat na panggastos.
Kung trip n’yo mag-enjoy sa tubig dahil sa init, mapa-swimming pool man, ilog, lawa, talon o dagat. Heto ang mga water adventure na puwede n’yong pagpilian ngayong bakasyon.
KAYAKING. Kung nais n’yong masubukan ang kayaking, why not? Ang kayaking ay isang sikat na water activity, maganda rin itong ehersisyo habang sinisipat ang magandang tanawin sa katubigan. Madalas na ang kayakers ay nage-enjoy sa mga ilog at lawa, puwede rin sa baybaying dagat at kung malakas ang inyong loob ay subukan n’yo rin sa karagatan. Pero besh, siguraduhin munang nakapagsanay na bago sumagwan at huwag n’yo ring kalimutan na magsuot ng personal flotation device.
SCUBA DIVING. Kung nais n’yo naman makita ang ganda ng ilalim ng karagatan lalo na sa Palawan, Bohol at iba pang diving destination sa bansa, ano pang hinihintay n’yo? Halina’t ihanda ang scuba diving gear. Lalo na kapag crystal blue ang tubig at sinasabing paraiso ang nasa kalaliman, huwag na itong palampasin pa! Pero, kundi ka pa kuntento na makakita ng mga lamang dagat sa aquarium at fish tank sa Ocean Park at nais mong mahawakan ang mga ito nang personal, scuba diving ang mainam para makita ang iba’t ibang isda tulad ng tuna, barracuda, talaba, pawikan at dolphins. Ingatan lang na huwag sisirain ang sea shells o kukuha ng anumang halamang-dagat na ipinagbabawal na kolektahin bilang respeto na rin sa ipinag-uutos ng batas. Copy?
SNORKELING. Magandang pagmasdan ang sea floor lalo na ang isang diving spot kung walang sapat na scuba diving gear ay puwede nang mag-snorkeling. Kung ideal ang isang lugar na mag-snorkel ay subukan na itong gawin. Sa mababaw na bahagi ay puwede nang makita ang mga talangka, alimango, sea stars at iba pang shellfish.
DRAGON BOAT. Kung nahihirapan kang makatulog, ito raw ang ehersisyo na the best pamparelaks at pampatulog. Ang competitive rowing na ito umano na kapag kumpleto sa tulog ang isang atleta ay higit na mas malakas at maayos ang ritmo sa pagsagwan.
WAKEBOARDING O SURFING. Usung-uso ang wakeboarding at surfing sa Camarines Sur at Subic Bay habang ang surfing ay sa Siargao o La Union. Kung maaksyong adventure ang iyong trip, magpalipad-lipad at magpaikut-ikot sa ibabaw ng tubig, wakeboarding ang okey para sa iyo.
Kapag na-try n’yo ito, nakakatiyak ako na uulit at uulit pa kayo! Huwag n’yong hayaan na ma-boring kayo ngayong tag-init. Oki? Deserved nating lahat mag-enjoy!
Comentarios