ni Lolet Abania | January 31, 2021
Nanawagan muli ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa mayroong Level II Caregiving National Certificates na ang Israel ay patuloy na tumatanggap ng mga aplikasyon para sa mga caregivers na nagnanais magtrabaho sa nasabing bansa.
Ayon sa ahensiya, tinatayang P75,000 buwanang suweldo ang ibibigay ng gobyerno ng Israel sa mga matatanggap na caregiver. Matatandaang noong Nobyembre, inanunsiyo ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na ang Israel ay nangangailangan ng 500 Pinoy caregivers.
Ang employment ng mga caregivers ay magiging government-to-government transaction na walang kinakailangang placement fee. Ang mga aplikante ay dapat nasa edad 23 o pataas, na may taas na hindi bababa sa 4‘11”, at may timbang na tinatayang 45 kilos.
Gayundin, ang aplikante ay at least isang high school graduate na pumasa sa caregiving course ng TESDA. Isang bentahe rin ang kahusayan nito sa pagsasalita ng English language.
Ayon sa POEA, tatagal ang job contract ng limang taon kung saan nais ng Israel na 90 porsiyento ng mga aplikante ay babae. Tanging airfare at fees para sa mga dokumento ang sasagutin lamang ng matatanggap na caregiver. Sa mga interesadong indibidwal, kailangang mag-register sa online services ng website ng POEA.
Comentários