by News @Balitang Probinsiya | Oct. 6, 2024
Rizal — Isang wanted na holdaper ang nadakip ng pulisya kamakalawa habang kumukuha ng police clearance sa police station ng bayan ng Taytay sa lalawigang ito.
Hindi na muna pinangalanan ng mga otoridad ang suspek habang iniimbestigahan ito sa himpilan ng pulisya.
Ayon sa ulat, nagtungo ang suspek sa Taytay Police Station para kumuha ng police clearance sa aaplayan niyang trabaho.
Napag-alaman na nakita ng pulisya sa kanilang record na may kasong robbery ang suspek kaya agad nila itong dinakip.
Hindi naman nanlaban ang suspek sa otoridad at sa ngayon ay nakapiit na siya sa detention cell ng himpilan ng pulisya.
HVT, TIMBOG SA BUY-BUST
SARANGANI -- Isang high-value target (HVT) na drug pusher ang dinakip ng mga otoridad sa buy-bust operation kamakalawa sa Brgy. Malalag, Maitum sa lalawigang ito.
Ang suspek ay kinilala ng pulisya sa alyas na “Mackoy”, nasa hustong gulang at residente ng nasabing barangay.
Nabatid na may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng shabu si “Mackoy” kaya naaresto ang suspek sa buy-bust operation.
Napag-alaman na nakakumpiska ang pulisya ng mga pakete ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
BANGKAY NG TRUCK DRIVER, NATAGPUAN
NEGROS OCCIDENTAL -- Isang bangkay ng truck driver ang natagpuan kamakalawa sa sugarcane plantation sa Brgy. Zone 15, Talisay City sa lalawigang ito.
Sa kahilingan ng pamilya ng biktima ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng truck driver na natagpuang patay sa nasabing lugar.
Nabatid na ilang residente ang nag-report sa pulisya tungkol sa nakita nilang bangkay sa nabanggit na plantasyon.
Sa pagsisiyasat ng pulisya ay napag-alaman na may mga tama ng bala sa katawan ang biktima.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad para mabatid ang motibo sa naganap na krimen.
LOLO, DEDBOL SA MOTORSIKLO
AKLAN -- Isang 83-anyos na lolo ang namatay nang mabangga ng isang motorsiklo kamakalawa sa Brgy. Buenasuwerte, Nabas sa lalawigang ito.
Hindi na muna pinangalanan ang biktima hangga’t hindi pa naipapabatid sa kanyang pamilya ang pagkamatay nito.
Ayon sa ulat, mabilis umano ang takbo ng motorsiklo na minamaneho ng hindi pinangalanang rider kaya nabangga nito ang biktimang tumatawid sa kalsada.
Agad dinala ng mga saksi ang biktima sa pagamutan, pero idineklara itong dead-on-arrival.
Nahaharap ang rider sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.
Comments