top of page
Search
BULGAR

Wanted: 120 para sa VCO clinical trials kontra COVID-19

ni Lolet Abania | February 3, 2021




Nagsimula nang mangalap ng mga volunteers para sa isasagawang clinical trial ng virgin coconut oil (VCO) bilang dietary supplement sa mga pasyenteng may COVID-19 ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela City.


Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato dela Peña, “(They’re in) recruitment phase.”


Target ng ahensiya na makapag-recruit ng 120 participants na mga asymptomatic at symptomatic patients para sa magiging trials, ayon sa kalihim.


Umabot sa P2.12 milyong pondo ang inilaan ng DOST at iba pang kabilang na ahensiya para sa VCO study na ito ng naturang lungsod.


Gayundin, ang local government unit (LGU) ng Valenzuela ay naglaan ng hiwalay na alokasyon upang makatulong sa pag-aaral na ito.


“Nag-uumpisa na ‘yung VCO study natin dito sa Valenzuela. Nakakatuwa kasi kayo mismo ang nag-volunteer na gawin dito ‘yung study,” ayon kay DOST Usec. Rowena Guevara kung saan ngayong Miyerkules sinimulan ang VCO clinical trial sa lungsod.


Samantala, nagpapatuloy sa ngayon ang VCO clinical trial sa Philippine General Hospital (PGH) sa mga COVID-19 patients na severe at moderate cases at sa mga may comorbidities o iba pang sakit.


Matatandaang noong Disyembre natapos ang unang bahagi ng pag-aaral na isinagawa sa mga suspects at probable cases sa Sta. Rosa Community Hospital sa Laguna. Inaasahan naman ngayong buwan na ilalabas ng DOST ang resulta ng clinical trial at pag-aaral ng dalawang medicinal plants na lagundi at tawa-tawa kontra COVID-19.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page