ni Ronalyn Seminiano Reonico | December 12, 2020
Ibinulgar ng komedyanteng si Wally Bayola na nagpositibo siya sa COVID-19 sa segment ng “Eat Bulaga!” na “Bawal Judgmental” ngayong Sabado at aminado siyang dahil ito sa kanyang kapabayaan.
Aniya, “Relax-relax lang. Masyado akong naging paniwalain sa social media na ay, wala namang COVID. ‘Di naman totoong may COVID. Parang nadala ako, so hindi na ako nag-mask. Napagod na akong mag-mask, mag-face shield.”
Kuwento pa ni Wally, kapag lumalabas daw siya at may nagpapa-picture, nagtatanggal daw siya ng mask at dumidikit pa sa mga tao.
Dagdag pa ni Wally, “Na-relax ako. Hindi ako nag-iingat.
“Naging mentalidad ko na walang COVID.”
Kuwento pa ni Wally, nu’ng nag-taping sila ay nawalan siya ng boses at tinukso siya umano ng kanyang co-host sa “Eat Bulaga!” na si Paolo Ballesteros na mayroon siyang COVID kaya nagpa-swab test siya kung saan lumabas ang positive result nito.
Nang malaman umano ni Wally na positibo siya ay hinimatay siya at nagpaospital dahil bumaba ang kanyang oxygen level. Wala naman umano siyang naramdaman na iba pang sintomas ng COVID-19 maliban sa pagsinok.
Aniya, “Hindi ko na maintindihan. Wala naman akong nararamdaman... wala naman akong lagnat, wala akong ubo.
“Pagdating sa ospital, doon lumabas mga symptoms ko.
“Hindi naman ako nawalan ng panlasa, pang-amoy, pero sinok ako nang sinok ng dalawang araw, walang tigil.”
Inamin din ni Wally na dumating siya sa punto na inisip niyang mawawala na siya at naiisip niya kung sino ang mag-aalaga sa kanyang ina.
Saad pa ni Wally, limang araw daw siyang nanatili sa ospital.
Aniya, “Kasi ‘di ko na talaga kaya ‘yung ospital kasi parang wala namang nangyayari sa akin. Nakiusap ako, ru’n na lang ako sa bahay magku-quarantine. Pinayagan naman ako kasi okay naman ako, wala namang mga symptoms na malala sa akin. Lahat ng mga test na ginawa naman sa akin is clear.”
Ginawa umanong inspirasyon ni Wally ang kanyang ina kaya naging maingat na siya, nag-ehersisyo at kumain nang tama.
Payo naman ni Wally sa publiko, “‘Wag n’yo pong ilagay sa isip n’yo na walang pandemya kasi meron po. Naramdaman ko meron pong COVID virus. ‘Wag tayong maging relax.
“Nangyari po sa ‘kin... Nagpabaya ako. ‘Wag kayong magpabaya.”
Comments