ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | May 28, 2021
Nitong nakaraang linggo, 13 na Local Hospital Bills ang naipasa natin sa second reading sa Senado. Ipinaglaban natin at pinaghirapang maipasa ang mga ito para sa kapakanan ng mga mahihirap nating kababayan.
May mga nagtatanong kung bakit ilan sa mga panukalang ito ay nagtagal sa Committee on Health kung saan ang inyong lingkod ang kasalukuyang chair. Nais nating linawin na hindi natin tinutulugan ang trabaho. Nangyari lamang na may mga requirement na kailangan kumpletuhin upang makarating ang mga panukalang ito sa plenaryo ng Senado.
Kung kulang ang requirements tulad ng resolution mula sa LGU at pag-aaral ng iba’t ibang ahensiya, hindi rin maisasabatas ang mga ito. Baka ma-veto pa ng Pangulo at masayang lang ang pinagpaguran ng sponsor at kapwa niyang mga mambabatas. Ginagampanan lang natin ang tungkulin bilang senador na siguraduhing maayos ang trabaho at nasusunod ang proseso bilang sagot sa hinaing ng taumbayan na humihingi ng tulong na tugunan ang pangangailangan nila sa kalusugan.
Sa totoo lang, marami na tayong nai-file na bills na hindi pa nadidinig ng ibang committees mula noong nagsimula ang 18th Congress hanggang sa ngayon. Pero kailangan nating respetuhin na diskresyon ‘yan ng Committee Chair — alam ‘yan ng mga mambabatas.
Para sa atin, walang tulog ang pagseserbisyo. Basta tama at sang-ayon sa polisiya, ayaw nating may papatay-patay sa trabaho dahil sa bawat oras na ating sinasayang, buhay ang nakasalalay dito. Kaya mabilis palagi ang aksyon pagdating sa kung ano ang makabubuti sa bawat Pilipino.
Sa katunayan, sa kabila ng ipinasa nating mga panukala at iba pang trabaho sa Senado, patuloy pa rin ang pag-iikot natin at ng aking opisina sa buong bansa upang magbigay ng agarang tulong sa mga Pilipinong nasasadlak sa krisis. Mula May 22 hanggang May 27, tumulong tayo sa mga nasunugan, biktima ng mga nakaraang bagyo, at mga kababayan nating apektado ng pandemya sa mabilis, ngunit ligtas na paraan.
Sa Metro Manila, tinulungan natin ang anim na pamilyang biktima ng sunog mula sa Valenzuela City; 34 mula sa Quezon City; 120 sa Pasig City; dalawang pamilya naman mula sa Malabon; 24 na pamilya mula sa Manila; at limang pamilyang biktima ng sunog sa Taguig City. Bukod dito, 51 na pamilyang apektado ng sunog ang tinulungan din natin sa Cebu City; at 27 na pamilya naman sa Sta. Rosa, Laguna.
Nagbigay din tayo ng dagdag-suporta sa mga kababayan nating nasalanta ng mga nakaraang bagyo. Sa probinsiya ng Quirino, nag-abot tayo ng tulong sa 323 na residente ng Maddela, 726 sa Nagtipunan, 273 sa Diffun, at 319 sa Cabarroguis. Sa Surigao del Sur naman, namahagi tayo ng tulong sa 783 na nasalanta sa Lingig; at 1,007 naman sa Tagbina. Kaparehas na tulong din ang ating iniabot sa 1,596 katao sa Surigao City, Surigao del Norte; 29 katao sa Tubay, Agusan del Norte; 38 katao sa Cabadbaran, Agusan del Norte; 91 katao sa Loreto, Dinagat Islands; at 728 benepisaryo naman sa Polangui, Albay.
Nag-abot din tayo ng tulong sa mga kababayan nating naapektuhan ng kalamidad sa Iloilo, 26 pamilya mula sa Oton at 30 pamilya sa Iloilo City.
Ilan din sa mga kababayan nating apektado ng pandemya ang hanapbuhay ang tinulungan natin. Namigay tayo ng dagdag-ayuda sa 837 miyembro ng LGBTQ+ community sa Quezon City; 1,000 micro-merchants, laborers at dressmakers sa Tanauan, Leyte; 317 market vendors sa Cebu City; 281 PWDs sa San Mateo, Rizal; 217 out-of-school youth at displaced workers sa Bayawan, Negros Oriental; at 2,686 PWDs, senior citizens, indigent residents at mga drivers naman mula sa Olongapo City sa Zambales.
Sa Zamboanga del Norte, namahagi tayo ng tulong sa 2,500 TODA members at market vendors sa Sindangan; 453 naman sa Polanco; at 570 sa Piñan. Nag-abot din tayo ng tulong sa 100 miyembro ng Ata Manobo Tribe sa Davao del Norte.
Kahapon lamang ay personal tayong dumalo sa pagbubukas ng ika-114 na Malasakit Center sa bansa sa Batangas Medical Center sa Batangas City. Matapos doon ay pumunta ako sa Cavinti, Laguna para magbigay ng ayuda sa 1,500 kataong lubhang apektado ang kabuhayan dahil sa krisis.
Ngayong araw naman ay binuksan din ang ika-115 na Malasakit Center sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital, at ika-116 na Malasakit Center sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center, parehong sa Sta. Cruz, Manila City.
Bilang lingkod-bayan, magseserbisyo tayo sa mga Pilipino kahit saanman sila sa mundo para tugunan ang kanilang mga suliranin, pakinggan ang kanilang mga hinaing, at mag-iwan ng ngiti sa oras ng kanilang pagdadalamhati. Para sa amin ni Tatay Digong, walang tulog ang serbisyo — lalo na sa oras ng pangangailangan ng mga Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments