top of page
Search
BULGAR

Walang tigil na pag-ubo, lagnat at panginginig ng katawan, sintomas ng pulmonya

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | January 3, 2021





Dear Doc. Shane,


Bakit nagkakapulmonya ang tao? Dahil ba ito sa pagpapatuyo ng pawis o dahil sa ubo na ilang araw na at may plema pa? – Efren


Sagot


Ang pulmonya ay malubhang impeksiyon sa baga. Maraming kaso ng pulmonya ay sanhi ng bakterya o mikrobyo. Ang iba pang kadahilanan ay tulad ng fungi, kemikal at gas. Ang pulmonya ay maaari ring lumitaw pagkatapos ng iba pang sakit, tulad ng sipon, trangkaso o bronchitis. Ang matatanda at taong may pangmatagalang problema sa kalusugan ang mga mas nasa panganib sa sakit na ito.


Ang hangin ay naglalakbay papaloob at papalabas ng baga sa pamamagitan ng mga tubo na tinatawag na airways.


Ang mga tubo ay may mas maliit na sangay na daanan na tinatawag na bronchioles. Ang dulo ng mga ito ay hugis lobo na sac na tinatawag na alveoli.


Ang mga daluyan ng dugo na nakapalibot sa alveoli ay sumisipsip ng oksiheno papunta sa dugo. Kasabay nito, inaalis ng alveoli ang carbon dioxide mula sa dugo. Ang carbon dioxide ay hinihinga palabas pagkatapos nito.


Kapag mayroong pulmonya:

  • Ang pulmonya ang nagiging sanhi ng pamumuo ng labis na plema at pamamaga ng bronchioles at alveoli.

  • Ang pag-ubo ang maaaring maging tugon ng iyong katawan. Ito ay makatutulong sa paglabas ng fluid.

  • Ang plema na naiubo ay maaaring maging berde o madilim na dilaw.

  • Ang labis na plema ay maaaring magdulot ng kapos na paghinga.

  • Ang pamamaga ay maaaring magdulot sa iyo ng lagnat.


Ano ang mga sintomas?

  • Matinding pag-ubo na walang tigil sa pagsumpong

  • Lagnat at panginginig

  • Pag-ubo na may plema

  • Hirap sa paghinga

  • Pagbilis ng pulso

  • Pananakit ng dibdib o kakulangan sa ginhawa kapag humihinga


Tandaan, kung nakararanas ng mga nabanggit na sintomas, mainam na magpa-check up agad sa doktor.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page