ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 31, 2021
Iniulat ng Department of Health (DOH) na nasa 32 hospital sa iba’t ibang lalawigan sa bansa ang dumaranas ngayon ng mga pagsisikip at kakulangan nang paglalagakan ng mga pasyente dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Nabatid na maraming bayan sa iba’t ibang lalawigan ang dati-rati ay wala kahit isang kaso ng COVID-19, ngunit ngayon ay nagsasagawa na ng mga barangay lockdown dahil hindi na mapigilan ang pagkalat ng naturang virus.
Isa sa mga nakikitang dahilan ay ang walang tigil na operasyon ng mga ‘COVID-19 Transporter’ na siyang responsable sa pagpapalusot ng mga walang dokumentong pasahero na negatibo sa COVID-19 kapalit ng malaking halaga.
Matatandaang kamakailan ay nadiskubre ng operatiba ng Department of Transportation (DOTr) ang ilegal na operasyon ng mga kolorum na sasakyang ginagamit para mailusot ang mga pasaherong ayaw nang gumastos at maabala sa swab test.
Napakaraming pasahero ang kanilang nasakote na lulan ng mga kulorum na sasakyang patungong Bicol Region mula National Capital Region (NCR) kabilang na ang Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna o ang NCR Plus bubble.
Umabot sa 12 van ang naaktuhang bumibiyahe ng walang prangkisa na siyang responsable sa pagpapasok sa Bicol Region ng mga pasaherong walang kaukulang papeles o swab test at 80 sa mga ito ang positibo sa COVID-19.
Hind lamang van ang ginagamit ng mga COVID-19 Transporter dahil ultimo Sedan, at luxury vehicle ay ginagamit na rin dahil sa dami nang nawalan ng kabuhayan ngayong pandemya at kailangan nilang kumita nang paghulog sa kani-kanilang sasakyan.
Matapos na madiskubre at mailathala ang naturang ilegal na opesayon ay panandalian itong nahinto, ngunit makalipas ang ilang araw ay patuloy na naman ang operasyon na nagresulta na sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Ang resulta, ang lalawigan ng Albay na dati ay halos zero ang kaso ng COVID-19 mula noong Marso noong nakaraang taon ay biglang dumami ang kaso sa loob lamang ng napakaikling panahon tulad na lamang ng Legaspi City, Daraga, Guinobatan, Ligao City, Tabaco City, Bacacay, Libon Oas, Tiwi at Pio Duran.
Hindi lamang ang Albay ang tumataas ang kaso dahil maging ang iba pang bahagi ng Bicol Region tulad ng Camarines Norte at Sur ay kapansin-pansin na rin ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Isinisisi rin ang pagtaas ng kaso sa ilan nating kababayan na pumapatol din sa ilegal na operasyon ng COVID-19 Transporter para samantalahin ang pagkakataon na makauwi o makaluwas nang madalian at walang swab test, partikular ang mga may nilalakad na papeles sa Maynila.
Sa kasalukuyan ay suspendido pa rin ang biyahe ng mga provincial buses kabilang na ang Albay kaya ang dating mga van na nawalan din ng biyahe sa mga bayan-bayan ay liminya na sa ilegal na gawaing ito.
Bukod pa sa mga pribadong sasakyan tulad ng kotse at SUV na namamasada na rin ay may mahigit 300 van na nakatala sa mga iba’t ibang samahan sa naturang lalawigan ang regular na bumibiyahe ng ilegal.
Mas dumami pa ang online booking at lantaran itong namo-monitor ng mga taga-Albay sa social media at suwabe ang isinasagawang operasyon dahil sa hindi naman pansin ang mga sasakyang ito na wala namang pagkakakilanlan.
Package na ang iniaalok ng mga kulorum at hindi na kailangan pa ng swab test ng mga pasahero dahil sa halagang P3,000 hanggang P5,000 depende sa layo ng ruta ay ihahatid pa ang pasahero sa kani-kanilang destinasyon.
Protektado ang napakalaking operasyon ng mga kulorum dahil centralized na ang online booking at mula alas-3: 00 ng hapon hanggang alas-7: 00 gabi ay walang hinto ang pag-alis ng sasakyan mula NCR plus.
Organisado at walang makikitang terminal ang kanilang operasyon dahil isa-isa nilang sinusundo ang mga pasahero sa mga bahay-bahay base sa mando ng operator online na siyang nakikipagtransaksiyon sa mga nais bumiyahe nang walang problema patungong Albay.
Tinatayang nasa 300 hanggang 400 sasakyan ang labas-masok sa Albay at kung bawat isa ay magbibigay na lamang ng P2,000 para sa lahat na ng check point sa buong lalawigan kada-biyahe ay tumataginting na P800,000 ito sa kabuuan araw-araw.
Dahil may variant na kasalukuyang nakakalat na sa bansa bukod pa sa may community transmission na ay inaasahang lolobo ang mga kaso ng COVID-19 sa mga darating na araw kung hindi pa rin masasawata ang operasyon ng mga transporter na ito.
Ngayong bago na ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa pamumuno ni PNP chief Lieutenant General Guillermo Eleazar ay inaasahang matutuldukan na ang matagal nang inirereklamong operasyong ito ng mga COVID-19 Transporter.
Kung noong una pa lamang sana na unang madiskubre ang operasyong ito ay agad nang nahinto ay hindi na sana umabot sa ganitong sitwasyon na dumami pa ang kaso ng COVID-19 dahil sa maya’t mayang paglabas-masok ng mga pasaherong kinukonsinte ng mga nais kumita.
Malaki ang papel ng PNP sa mga checkpoint sa mga boundaries ng bayan-bayan at huwag na ninyong hintaying sorpresahin pa kayo ni Eleazar para lamang matigil ang delikadong sistemang ito.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments