top of page
Search
BULGAR

Walang scientific basis na bawal maligo ang mga bagong panganak dahil baka pasukin ng “lamig”

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | November 1, 2020




Dear Doc. Shane,

Kapapanganak pa lang ng aking asawa sa aming unang anak. Sabi ng biyenan kong babae, bawal daw maligo siya agad at baka mabinat o malamigan. Totoo ba ‘yun o kasabihan lang? – Leandro

Sagot

Ang binat ay kapag kagagaling sa sakit ng tao, sinasabi sa kanya na huwag muna siyang masyadong gumalaw-galaw dahil puwede siyang magkaroon nito—ganito rin ang paniniwala kapag kapapanganak.

Maaaring magdulot ang binat ng labis na sakit ng katawan, pagkabaliw o pagkamatay. Ilan sa mga senyales nito ay ang pananakit ng ulo, paglalagas ng buhok, palagiang pagkahilo at iba pa.


Importanteng maintindihan na hindi biro ang pinagdaanan ng katawan nang iyong asawa ng manganak ito, kaya mahalagang bigyan sila ng sapat na panahon para magpagaling—CS man o normal delivery, kailangang ipahinga ang kanilang katawan.

Kalimitan sa mga babae ay nakararanas ng postpartum hair loss. Magsuklay man o hindi, malaki ang chance na maglagas ang buhok nito pagkatapos manganak, lalo na sa unang tatlo hanggang anim na buwan bunsod ng mga pagbabagong nagaganap sa kanilang katawan.

Bukod sa binat, isa sa mga mapapansin na palaging ipapaalala sa bagong panganak ay ang mag-ingat sa “lamig”. Kaya naman, may nagpapayo sa mga nanay na huwag munang maligo, uminom ng malamig na tubig o anumang malamig dahil maaaring pasukin ng lamig ang katawan nito.


Ngunit, ang katotohanan ay walang sapat na scientific basis para mapatunayang totoo ito. Sa katunayan, mas magiginhawahan ang kanilang katawan kung maliligo ito. Makatutulong kung maliligo ng maligamgam na tubig para gumaan ang pakiramdam at maalis ang tension at fatigue na maaaring nararamdaman nila.

Bakit bawal magbuhat ng mabigat ang mga bagong panganak?

Kailangang ipahingang mabuti ang katawan bago pa gumawa ng anumang mabibigat na trabaho. Kalimitan, hindi natin nakikita na maraming nagbago sa kanilang katawan pagkatapos manganak. Hindi madali ang maka-recover—CS man o normal delivery. Sa katunayan, dapat ipinapahinga muna ang kanilang katawan apat hanggang anim na linggo mula nang makapanganak.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page