ni Lolet Abania | February 4, 2021
Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Department of Energy (DOE) na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng polisiya ng no disconnection sa mga customers na may mabababang buwanang konsumo sa elektrisidad.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang implementasyon ng no disconnection policy ay para sa buong buwan ng Pebrero. Ang mga distribution utilities ay kailangan ding magbigay ng opsiyon para sa installment payment na gagawin ng mga customers.
Sakop ng polisiya ang mga customers na kumokonsumo ng 100 kph at mas mababa pa rito kada buwan. Sa isang news conference, kinumpirma ni Cabinet Secretary Karlo Nograles ang naging desisyon ni Pangulong Duterte sa pulong ng mga gabinete kagabi.
“The President readily agreed given that electricity is a basic necessity our countrymen cannot live without,” ani Nograles.
“Makakahinga na po nang maluwag ang ating mga kababayan na mababa o walang kita. Hindi po kayo mapuputulan ng kuryente,” dagdag niya.
Matatandaang ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa mga power distribution utilities na huwag magpatupad ng anumang disconnection sa mga account na hindi pa nabayarang bills hanggang December 31, 2020 ng mga consumers na may buwanang konsumo na tinatawag na “not higher than twice the ERC maximum lifeline consumption level.”
“According to the DOE, while lifeliners comprise 32% of the customer base, they only account for 3% of electricity sales. So, this is very doable,” saad ni Nograles.
Ayon pa kay Nograles, hinimok din ni P-Duterte ang Kongreso na palawigin ang pagkakaroon ng subsidy para sa mga marginalized power consumers sa loob ng 30 taon o mula 2021 hanggang 2051. “[This is] because of the pandemic and sa computation ng DOE, hindi naman ito mabigat para sa ating mga distribution utilities. Kayang-kaya naman po,” sabi pa ni Nograles.
Inaprubahan naman ng Senado noong nakaraang buwan ang extension nito ng 10 taon.
Tinugon naman ng Manila Electric Company (Meralco) ang direktiba ng pamahalaan na palawigin pa ang no-disconnection policy para sa mga customers na may mabababang buwanang konsumo ng kuryente.
"We will comply with the government's directive and will wait for the specific guidelines from the Department of Energy. We would like to assure our customers that we will continue to assist all of them in addressing their billing issues,” ayon sa pahayag ni Joe Zaldarriaga, spokesperson ng Meralco.
Kommentare