top of page
Search
BULGAR

Walang piyansa... KEN, IPINAA-ARESTO SA SYNDICATED ESTAFA

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Oct. 22, 2024



Photo: Ken Chan / Instagram


Dahil hindi nakikipag-ugnayan si Ken Chan sa mga investors niya ay may pangalawang warrant of arrest na uling inilabas ang korte at sa pagkakataong ito ay ‘no bail’ na sa kasong syndicated estafa.


Sa inilabas na dokumento ni Nanay Cristy Fermin sa online show nilang Showbiz Now Na kahapon ay lumabas din ang pangalan ng kapatid ni Ken Chan na si Mark Clinton Angeles Chan. 


Dawit din ang kasosyo ng karelasyon daw ni Ken na hindi naman binanggit kung sino.

Bungad ni ‘Nay Cristy, “Kalat na kalat na ‘yung kanyang (Ken Chan) warrant of arrest sa lahat ng himpilan ng pulis at ang Immigration ay may kopya na rin at kung sakali na babalik dito (Pilipinas) si Ken Chan, doon pa lang sa paliparan, airport pa lang, may huhuli na sa kanya. Nakakalungkot.”


“So, walang takas talaga?” tanong ni Romel Chika.


“Nu’ng unang ibinalita natin, ayon sa kuwento ay nasa Amerika siya, pero ngayon ay nasa isang bansa na lang siya ng SouthEast Asia at ayon sa ating source ay pagkapayat-payat na raw ni Ken Chan,” sabi ulit ni ‘Nay Cristy.


Napag-usapan nina Romel Chika at ‘Nay Cristy na nakaka-stress sa panig ng actor ang mga nangyayari sa kanya ngayon.


“Overthinking kills your peace,” sey pa ni ‘Nay Cristy.


At bilang may demanda ring kinakaharap ang SNN host ay ikinuwento niya na sadyang binabantayan niya ang bawat galaw ng kasong libelo na isinampa nina dating Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan at Sharon Cuneta na natalo siya at kinailangan niyang magbayad ng piyansa.


Aniya, “Ako po talaga, binabantayan ko po ito mula noon hanggang ngayon. Ako po ay hindi matapang, wala pong taong matapang pagdating sa ganitong problema. Hindi rin po ako mapera o mayaman para mag-post agad ng piyansa. 


"Ang totoo pong dahilan kung bakit ko binabantayan ang mga ganitong problema ay dahil marespeto ako sa batas. Kung ano po ang isinasaad ng batas, iyon po ang dapat nating sundin.”


Ang payo ni ‘Nay Cristy kay Ken Chan ay ‘petition for bail’ ang dapat nitong gawin.

“Pero kailangang bumalik muna siya rito at magpakita muna sa branch na may hawak ng kaso para masabing may jurisdiction ang korte sa kanya. Tapos, alam naman ng mga abogado niya ang gagawin, petition for bail kasi no bail ito, eh.


“Kapag pinagbigyan ng judge, pupuwede niya itong ipiyansa at saka niya asikasuhin ang problema. Mula roon ay makakausap na niya ang mga investors, mga complainants, pupuwede na niyang, ‘Mas maganda po na ako ay malaya para matugunan ko po ‘yung mga hinihingi n’yo,'” esplikang mabuti ni ‘Nay Cristy.


Singit ni Romel Chika, “Pero sabi nga ‘Nay, kapag pera ang usapin, may katapat, ‘di ba?”

Sagot ni 'Nay Cristy, “'Yun po ang pinakamadaling problema, sa totoo lang po, ang pinakamahirap ay ang kalusugan, ‘yung health. Ang pag-ibig ay pangalawa dahil ang pag-ibig, kapag nawala ay hindi naman puwedeng halinhinan ng taong hindi mo naman mahal.

“Pero ‘yung pera po ay pinakamadaling problema po ‘yan kung tutuusin. Mahirap lang pong isipin dahil napakahalaga ng pera. Kaya lang po, kapag may binanggit tayong presyo, may katapat na presyo rin po ‘yun, kaya ‘yung pera, pinakamadaling problema!”


“Kaya dapat makipag-coordinate s’ya. ‘Di ba, ‘Nay, kahit gaano kalaki (utang) hahati-hatiin naman ‘yan hanggang makabayad ka?” payo ni Romel Chika.


Sey ni ‘Nay Cristy, “Oo, ang huwes naman ay makikinig naman kung ano lang ang kapasidad ng inirereklamo ng pagbabayad. Halimbawa, piso ang kinikita mo, hahati-hatiin mo ‘yun.


“Alam mo si Ken Chan, wala siyang kapanatagan ng loob ngayon, nangangayayat siya dahil ‘yung ganitong problema ay hindi ka makakatulog, hindi ka makakain, ang peace of mind, talagang lumilipad ‘yan palayo. 


Kausapin niya ang kanyang mga abogado, harapin niya, no one is above the law,” payo pa ng kolumnista-TV host sa aktor.


Bukas ang BULGAR sa panig ni Ken Chan o ng abogado niya.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page