top of page
Search
BULGAR

Walang pinipiling panahon ang pagmamalasakit at pagseserbisyo

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | April 19, 2023


Anuman ang panahon—tag-ulan o tag-araw—patuloy tayo sa ating layunin na makapagbigay ng sapat at tamang serbisyo sa ating mga kapwa Pilipino, lalo na pagdating sa kalusugan. Dahil wala ring pinipiling panahon ang pagkakasakit, kailangang laging handa ang ating serbisyong pangkalusugan para sa ating mga kababayan, lalo na sa malalayong komunidad.

Bilang Chair ng Senate Committee on Health, naging adhikain ko na ang ilapit ang serbisyong medikal, partikular sa mga higit na nangangailangan, mga hopeless at helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan.

Ito ang dahilan kung bakit nais nating ipagpatuloy ang Malasakit Centers program na ating naisabatas noon upang mas marami pang mga pasyente ang mabigyan ng karampatang medical assistance mula sa gobyerno. Higit pitong milyong Pilipino na ang natulungan nito, ayon sa Department of Health (DOH), at sana ay mas dumami pa dahil para sa Pilipino naman ito. Kung tutuusin, pera naman ‘yan ng taumbayan, ibinabalik lang sa kanila sa pamamagitan ng maayos at mabilis na serbisyong pangkalusugan.

Ipinaglalaban din natin na mas marami pang Super Health Centers ang maitayo sa iba’t ibang sulok ng bansa upang mailapit sa tao ang serbisyong medikal mula sa gobyerno.


Hindi na dapat nila kailangang maglakbay pa para magpagamot kung nasa komunidad na nila mismo ang pasilidad na puwedeng tumugon sa kanilang pangangailangang pangkalusugan.

Suportado rin natin ang panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na magtayo ng specialty centers sa iba pang mga rehiyon. Ang pagtatayo ng specialty centers ay kabilang sa health-related legislative agenda na nakapaloob sa Philippine Development Plan 2023-2028 na nilagdaan ng ating Pangulo.

Bagama’t nakatutok ako sa ating mga gawain bilang mambabatas, doble ang aking kayod kapag tinutupad ang bahagi ng aking tungkulin na pakinggan ang mga hinaing at matulungan ang mga kababayan nating mahihirap sa iba’t ibang sulok ng bansa.

Kahapon ay biyaheng Pangasinan tayo at sinaksihan ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa bayan ng Umingan. Nagkaroon din ako ng pagkakataon na makaharap ang 700 persons with disability sa nasabing lugar, at personal nating pinangunahan ang pagkakaloob sa kanila ng tulong.

Matapos ito, lumipat naman tayo sa Nueva Ecija sa parehong araw at sinaksihan din ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Cabanatuan City. Namahagi rin tayo ng tulong sa 1,000 mahihirap na residente ru’n. Nagsagawa rin tayo ng monitoring visit sa Malasakit Center na nasa Paulino L. Garcia Memorial Research and Medical Center, at namahagi ng tulong sa mga pasyente at frontliners. Ito ang ika-76 na Malasakit Center at inilunsad noong Hulyo 29, 2020. Bukod sa tulong ng aking tanggapan, may hiwalay ding ayuda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pasyente.

Noong Lunes ay bumisita naman tayo sa Roxas City para magsagawa ng monitoring visit sa Malasakit Center na nasa Roxas Memorial Provincial Hospital. May tulong kaming naipamahagi sa ilang pasyente at medical frontliners. May hiwalay ding tulong ang DSWD sa ilang pasyente sa ospital at mga kuwalipikadong personnel du’n.

Pagkaraan ay sinaksihan natin ang groundbreaking ng itatayong dalawang Super Health Center sa Panay at Panitan, sa Capiz. Nagkaloob din tayo ng tulong sa 1,000 mahihirap na residente ng Roxas City; 1,100 mula sa Panay at 1,100 mula sa Panitan.

Pagkatapos sa Capiz, bumiyahe rin tayo patungong Bacolod City para daluhan ang pagbubukas ng Panaad Festival kung saan naimbitahan tayo bilang isa sa mga guest speaker. Suportado natin ang ganitong adhikain para sa preserbasyon at pagpapatuloy ng mga tradisyon at kultura sa bawat rehiyon ng ating bansa, na nagiging daan para sa ating pagkakaisa, pagtutulungan at bayanihan.

Pagkatapos ay nagkaroon tayo ng relief activity para sa 1,000 mahihirap na residente sa Bacolod City. Personal din tayong bumisita sa Malasakit Center na nasa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital, at namahagi ng tulong sa 375 pasyente at 1,877 frontliners. May hiwalay ding tulong ang DSWD sa mga pasyente, security at utility staff ng ospital.

Noong Sabado, tumulong tayo sa mga nasunugan sa Cebu City at pagkatapos ay nagtungo tayo sa Zamboanga Del Norte at namahagi ng tulong sa mahihirap na residente sa Dipolog City. Nag-inspeksyon din tayo sa itinatayong Oval Track sa Dipolog Sports Complex, na ating sinuportahang mapondohan noon.

Bilang Chair ng Senate Committee on Sports, suportado natin ang grassroot sports development sa layuning makatuklas ng mahuhusay na manlalalaro sa mga lalawigan.


Naniniwala rin ako na isa ang sports sa mabisang instumento para mailayo ang ating mga kabataan sa kaway ng droga at iba pang krimen. Ang lagi kong payo sa ating mga kabataan, tapusin ang pag-aaral, get into sports and stay away from drugs.

Kaya noong Linggo naman ay nagbigay tayo ng suporta sa Capiztahan Swimfest sa Roxas City, Capiz bilang paghanga rin sa mga kabataang nakilahok sa laro. Inengganyo natin sila na lalong pagbutihin ang kanilang pag-eensayo at inihayag natin ang mga inisyatiba na makakatulong sa mga atletang kabataan tulad ng National Academy of Sports na ating naisabatas na, pati rin ang Philippine National Games na ating kasalukuyang isinusulong bilang mambabatas.

Samantala, hindi rin tumitigil ang aking tanggapan sa paghahatid ng tulong sa ating mga kababayan sa iba’t ibang lugar na nahaharap sa iba’t ibang krisis. Naalalayan ang 54 na naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog sa Maramag, Valencia City, Malaybalay City at Manolo Fortich sa Bukidnon. Tumulong tayo sa mahihirap nating kababayan tulad ng 750 residente ng Botolan, Zambales; 432 sa Dipaculao, Aurora; 550 sa Sta. Josefa at Trento sa Agusan del Sur; 500 sa Binuangan, Misamis Oriental; at 33 pa sa Sta. Rita, Pampanga nitong nakaraang mga araw.

Walang pinipiling oras o panahon ang ating pagseserbisyo. Basta kaya ng aking katawan, patuloy kong lilibutin ang iba’t ibang sulok ng Pilipinas para makapaghatid ng tulong sa abot ng aking makakaya, masolusyunan ang inyong mga hinaing, at makapag-iwan ng ngiti sa oras ng inyong pagdadalamhati.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page