top of page
Search
BULGAR

Walang pinipiling oras ang serbisyo

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | April 20, 2022


Simula nang manungkulan ako sa gobyerno kasama si Pangulong Rodrigo Duterte na mayor noon ng Davao City, hanggang sa ihalal n'yo ako bilang senador ay nakasanayan ko na ang maglingkod sa mga kapwa ko Pilipino sa loob ng 24 oras, pitong araw kada linggo. Para sa akin, walang pinipiling oras ang serbisyo dahil ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Nitong Biyernes Santo ay sinamahan ko si Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng aerial inspection sa Baybay City at Abuyog sa Leyte na isa sa mga lugar sa Eastern Visayas na matinding hinagupit ng Bagyong Agaton. Nakita namin ng Pangulo kung gaano katindi ang pinsalang inabot ng lugar, at laki ng epekto nito sa kabuhayan ng ating mga kababayan doon.


Isinailalim na ang lugar sa state of calamity. Nakipagpulong kami ng Pangulo sa mga lokal na opisyal para alamin ang kanilang mga pangangailangan. Naghatid din kami ng tulong sa mga evacuees sa Baybay City Senior High School.


Binisita rin namin ang Malasakit Center na nasa Western Leyte Provincial Hospital para tiyakin na makapaghahatid ito ng tulong medikal sa lahat ng dapat malapatan ng lunas.


Doon namin nakilala ang isang biktimang bata na si Steven Lumanta na nawalan ng magulang dahil sa landslide. Bagama’t masakit ang sinapit niya, ninais lang namin na maiparamdam ang aming malasakit at pagmamahal lalo na’t kaarawan niya noong araw na iyon.


Nag-abot ng cake at regalo si Pangulong Duterte at ako naman ay nagbigay ng konting tulong at rosaryo upang palakasin ang kanyang loob sa pagharap sa pagsubok na ito. Naiyak si Steven dahil dito pero pinaalalahanan ko siya na manalig lang sa Diyos at huwag mawalan ng pag-asa. Sinabihan ko rin siya na tutulong kami sa abot ng aming makakaya upang makabangon silang muli.


Noong Sabado De Gloria naman ay sa Pontevedra, Capiz kami nagsagawa ng aerial inspection para sa assessment ng pinsala roon. Binisita rin namin at hinatidan ng tulong ang mga evacuees sa Pontevedra Elementary School Evacuation Center.


Dumalo rin kami sa groundbreaking ng Capiz Multi-Purpose Evacuation and Convention Center sa Phase 1 Pueblo de Panay Township, Panay, Capiz. Bilang Vice Chair ng Senate Committee on Finance, isa ito sa mga proyektong tinulungan kong mapondohan para patatagin ang kanilang disaster response sa lugar.


Ang hagupit ng Bagyong Agaton at ang epekto nito sa ating mga kababayan ang dahilan kung bakit patuloy ang aking panawagan na maipasa na ang Senate Bill No. 205, na isinumite ko noong 2019 para likhain ang Department of Disaster Resilience.


Sa dami ng bagyong dumarating sa ating bansa, kailangan ang isang departamento na tututok para sa disaster preparedness. Isa itong malaking hakbang para tayo maging disaster resilient at maiwasan ang pagkawala ng buhay at ari-arian ng ating mga kababayan.


Sa DDR, may cabinet-level secretary na siyang mangangasiwa para sa maayos at mas mabilis na koordinasyon sa pagitan ng national government agencies at ng LGUs. Hindi na tayo magtuturuan. Bago pa man dumating ang bagyo o iba pang kalamidad, nakahanda na tayo dahil mayroon na tayong tagatimon at tagapamahala ng preparedness, response, and resilience mechanisms.


Maging ang recovery pagkatapos ng kalamidad ay madali ring maisasagawa. Hindi na malilito ang ating mga kababayan kung kanino at saan sila hihingi ng tulong at impormasyon.


Isinumite ko rin noong 2019 ang Senate Bill 1228, o ang Mandatory Evacuation Center Act. Naobserbahan ko kasi na kapag may mga tinamaan ng bagyo, nagsisiksikan sila sa temporary shelters. Importante na makapagpatayo ng mga safe, permanent, and dedicated evacuation centers na may sapat na emergency packs, tulad ng maayos na tulugan, tubig, gamot, at iba pang relief goods. Nakahanda na dapat ito kahit wala pang sakuna.


Pinakaapektado tuwing may kalamidad ang mga kababayan nating mahihirap. Hindi rin nagagamit ng mga estudyante ang kanilang classrooms kapag ginagamit ng mga evacuees ang mga eskuwelahan. Nakakaawa ang ating mga kababayan. Huwag na nating pahirapan ang naghihirap na. Solusyunan na dapat natin bago pa dumating ang panibagong sakuna. Panahon na para magkaroon tayo ng maayos na evacuation center sa bawat bayan.


Bilang Chair ng Senate Committee on Health, masaya naman akong ibalita sa inyo na nilagdaan na ng Pangulo para maging batas ang apat na local hospital bills na isinulong ko. Dahil dito, mas gaganda ang paghahatid ng healthcare services sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa.


Kabilang sa mga bagong batas ang Republic Act No. 11702 para sa pagtatayo ng Southern Luzon Medical Center sa Tayabas City; RA 11703 para sa pagtatayo ng Samar Island Medical Center sa Calbayog City; RA 11705 para sa pagtatayo ng Ilocos Sur Medical Center sa Candon City; at RA 11704 para palakasin ang bed capacity ng Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center sa Cabanatuan City. Ang DPJGMRMC ay mayroon ding Malasakit Center.


Sa panahon ngayon lalo na at may pandemya pa, sinisigurado namin na pagandahin pa ang healthcare services sa bansa. Ipagpapatuloy ko ang pagsusulong sa mga ganitong panukala upang maibalik natin sa mga Pilipino ang serbisyong nararapat para sa kanila.


Tinitiyak ko naman sa mga kababayan nating nangangailangan lalo na ‘yung mga sinalanta ng Bagyong Agaton na tutulong kami sa abot ng aming makakaya. Patuloy kami sa aming sinumpaang tungkulin na hindi pababayaan ang mga mahihirap at mga biktima ng krisis at sakuna. Tutulong po ako sa abot ng aking makakaya at pupuntahan ko kayo kahit saang sulok ng bansa basta’t kaya ng aking oras at katawan.


Laging tandaan na anuman ang pagsubok na kaharapin ng ating bansa, walang Pilipinong maiiwan sa ating muling pagbangon kung tayo ay patuloy na magkakaisa, magtutulungan, magmamalasakit sa isa’t isa, at makikipagbayanihan para sa kabutihan ng lahat!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page