ni Ador V. Saluta @Adore Me! | Feb. 4, 2025
Kinumpirma ni Direk Darryl Yap sa kanyang Facebook (FB) post nitong Lunes, Pebrero 3, na hindi matutuloy ang nakatakdang showing ng kanyang pelikula, ang The Rapists of Pepsi Paloma (TROPP), sa Feb. 5.
Nabigong isumite ni Yap ang mga dokumentong hinihingi ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) gaya ng Certificate/Clearance of No Pending Criminal, Civil, or Administrative Case na galing sa Regional Trial Court ng Muntinlupa City, Department of Justice, at Office of the City Prosecutor ng Muntinlupa City.
Mapangahas ang pagsasapelikula ng TROPP, ang kontrobersiyal na pelikula tungkol sa buhay ng yumaong bold star na si Pepsi Paloma noong dekada ‘80.
Ayon sa statement ni Yap, nabigo raw niyang makumpleto ang mga dokumentong hinihingi ng MTRCB bago ang takdang showing ng kanyang movie.
Aniya, “Ipinaaabot ko po sa lahat ng nakasubaybay na bigo po ang panig ng inyong lingkod na agarang makumpleto ang mga dokumentong hinihingi ng pamunuan ng MTRCB, kaya’t imposible pong maipalabas ang ating pelikula sa February 5.”
Ayon pa sa direktor, maaaring maunang ipalabas ang TROPP sa labas ng bansa o sa streaming platforms.
Pahayag niya, “Pinag-iisipan na rin ang posibilidad na maunang maipalabas ito sa labas ng bansa o ipagpaliban na ang pagpapalabas sa sinehan at magpokus na lamang sa streaming platforms.
“Kung anu’t anuman ay agad itong malalaman ng publiko. Maraming salamat po,” kabuuan ng anunsiyo ni Yap tungkol sa kinahinatnan ng kanyang pelikula.
Paliwanag pa ni Yap sa kanyang FB post, puno na ang mga buwan ng Pebrero at Marso, kaya’t posibleng maipalabas ang kanyang pelikula kapag nakumpleto ang mga dokumentong hinihingi ng MTRCB.
Ang TROPP ay kontrobersiyal na pelikula dahil sa mga reklamong kinasasangkutan nito, gaya ng pagsasampa ng kaso ni Vic Sotto laban sa direktor. Nineteen cyber libel cases ang isinampa ni Vic laban kay Yap noong Enero 9, 2025 sa Office of the City Prosecutor ng Muntinlupa City.
KASAMA ang dating child star na si Niño Muhlach sa seryeng Tolome, Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis (TWMNPSMNM) na pinagbibidahan ni Sen. Bong Revilla. Kaya’t sa isang umpukan ng mga press people na naganap sa isang food chain sa SM San Lazaro, naitanong kay Niño ang tungkol sa anak niyang si Sandro Muhlach, na biktima ng panghahalay noong nakaraang taon.
Naka-move on na ba ang kanyang panganay na anak sa nangyari?
Matatandaang mahigit 6 na buwan na ang lumipas mula nang maganap ang pang-aabuso umano kay Sandro ng dalawang independent contractors ng GMA Network.
“‘Yung kay Sandro [Muhlach], OK naman siya...,” maikling tugon ng dating Child Wonder.
Isa pang nakakatawang pangyayari sa anak ay noong mag-guest si Sandro sa Courage concert ni Gerald Santos noong Enero 24, 2025 sa Skydome ng SM North EDSA, Quezon City.
Tinawanan na lang ni Onin (palayaw ni Niño) nang magkamali si Gerald Santos sa pagbanggit na imbes Sandro Muhlach ay Sandro Marcos ang nasabi nito.
Natatawa niyang sabi, “Hindi ko alam kung biro lang ba ‘yun or kung ano, (baka) nagkamali. Baka biro, hindi ko alam.”
Sa update ni Niño tungkol sa anak, nakapagbakasyon daw si Sandro sa U.S. at South Korea.
“He’s doing well now. Medyo OK na,” pahayag ni Onin.
Masaya rin daw siya’t nagtatrabaho na muli si Sandro.
Pagbubulgar niya, “Actually, nagte-taping na s’ya ulit, Tadhana sa GMA.”
Sa kabila ng trauma na inabot ng anak, masaya siyang nakikitang naka-move on na ito kahit papaano.
Sey niya, “Hindi ko lang akalain kasi na mangyayari sa ‘min. Kasi nga, siyempre ‘yung pamilya namin, kumbaga, matagal nang nasa industriya. Kaya hindi ko talaga ine-expect na puwedeng gawin sa anak ko.”
Suportado raw si Sandro ng pamilya at mga kamag-anak.
Sambit niya, “Full support naman sila. Like, ‘di ba, noong nasa Senate kami, nandu’n lahat—sina Charlene, sina Albert.”
Si Charlene Gonzalez ay misis ng pinsan ni Niño na si Aga Muhlach, habang si Albert Martinez ay biyudo ng yumaong pinsan ni Niño Muhlach na si Liezl Martinez.
Comments