top of page
Search
BULGAR

Walang oras na sinasayang para magserbisyo at magmalasakit sa bayan

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | May 21, 2021



Sa linggong ito, sumama tayo sa pagbubukas ng dalawang Malasakit Center sa bansa. Isa rito ay matatagpuan sa Mariveles Mental Wellness and General Hospital sa Bataan na binuksan noong Mayo 18, at ang isa pa ay sa San Pablo City General Hospital sa Laguna na binuksan kahapon, Mayo 20.


Bilang Chair ng Senate Committee on Health, sisiguraduhin natin na patuloy ang pagbubukas ng Malasakit Centers sa iba’t ibang parte ng bansa upang mailapit sa mga tao ang ginhawa ng serbisyong-medikal na dapat nilang makuha. Patuloy din nating ipaglalaban ang pagsasaayos ng kapasidad at kapabilidad ng mga pampublikong ospital upang matugunan ang pangangailangan ng mga may sakit, anuman ang antas nila sa buhay at kahit saan mang sulok ng bansa sila naroroon.


Bilang Chair ng Senate Committee on Sports naman, naging saksi tayo sa paghahandog ng lupang donasyon at presentasyon ng plano para sa pagtatayo ng Philippine Sports Training Center o PSTC sa Bagac, Bataan noong Mayo 18. Sa lugar na ito, magkakaroon ng state-of-the-art training complex na magsisilbing tahanan para sa ating mga atleta upang makapag-ensayo sila sa isang maayos at ligtas na pasilidad.


Bukod sa PSTC, nagpapasalamat din tayo kay P-Duterte dahil inaprubahan na rin niya ang pagre-release ng pondo para sa pagtatayo ng National Academy of Sports sa New Clark City sa Capas, Tarlac. Ito ay isa sa mga batas na ating ipinaglaban sa Senado.


Ang PSTC at NAS ay ilan lamang sa mga regalo ng administrasyong ito para sa ating mga atleta bilang pagkilala sa karangalang kanilang dinadala sa ating bansa. Handog din natin ito sa ating mga kabataan upang mailayo sila sa masasamang bisyo at mahubog sila bilang mga responsable at produktibong mamamayan na pag-asa ng ating bayan.


Walang tulog din ang ating serbisyo, lalo na sa panahon ng inyong pangangailangan. Kaya naman walang tigil ang ating pagtulong sa mga Pilipinong apektado ng sakuna, sunog, krisis, at pandemya.


Tulad nitong nakalipas na linggo, namahagi tayo ng tulong sa 1,332 na residenteng biktima ng Typhoon Rolly sa Ligao, Albay; 407 na residente naman sa Oas, Albay; mahigit sampung libong pamilyang apektado ng flashflood sa Silay City, Negros Occidental; at 200 na kataong biktima ng lindol sa Magsaysay, Davao del Sur. Kaparehas na tulong din ang ating ipinaabot sa 1,235 katao sa Cantilan; 842 katao sa Carrascal; at 1,176 katao sa Madrid sa probinsiya ng Surigao del Sur na naapektuhan ng Typhoon Auring. 2,123 kataong nabiktima naman ng Typhoon Bising sa Jipapad, Eastern Samar ang nabigyan ng tulong.


Binigyan din natin ng tulong ang mga biktima ng sunog, tulad ng 49 pamilya sa Quezon City; 28 sa Plainview, Mandaluyong City; isa sa Tondo, Manila; isa sa Parañaque City; pito sa Tanza Uno, Navotas City; pito sa Bgy. 7 Bagumbayan, Paete, Laguna; at tatlo sa Bgy. 156, Pasay City.


Patuloy din ang suporta na ibinibigay natin sa mga apektado ang kabuhayan dahil sa krisis, kaya nag-abot tayo ng tulong sa mga komunidad sa Leyte na binubuo ng 200 katao sa Tacloban City, 200 sa Palo, at 200 sa Alang-alang. Namahagi rin tayo ng tulong sa mahigit 7,000 na freeport workers sa Mariveles, Bataan; 200 indigents sa Catbalogan, Samar; 200 sa Can-avid, Eastern Samar na apektado ng armed conflict doon; 4,895 na tricycle drivers sa Ipil, Zamboanga Sibugay; 2,000 tricycle drivers din sa Liloy, Zamboanga del Norte; 1,400 tricycle drivers sa Pila, Laguna; 517 medical frontliners at 29 indigent patients sa Bataan; 100 indigenous peoples at 400 formel rebels at mga magsasaka sa Mati, Davao Oriental; 43 former rebels sa Calubian, Leyte; at 400 Lumads sa Tagum City, Davao del Norte.


Sa ating pag-iikot, nagbigay tayo ng pagkain, food packs, masks, face shields, vitamins, at iba pang tulong na kailangan ng mga komunidad, tulad ng wheelchair at canes para sa mga may kapansanan, bisikleta at sapatos para sa mga piling benepisaryo, at computer tablets sa mga kabataan para sa kanilang edukasyon. Naroon din ang mga ahensiya ng gobyerno para maibahagi ang kani-kanilang programa. Siniguro naming mahigpit na nasusunod ang mga health protocols sa bawat lugar upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 at iba pang sakit.


Paalala natin sa bawat Pilipino — hindi ito ang panahon para magsisihan, magsiraan, maglamangan o manloko ng kapwa. Panahon ito para magbayanihan, magtulungan at magmalasakit para sa ikabubuti ng bawat Pilipino. Kaya huwag nating sayangin ang ating oras sa hindi pagkakaunawaan. Magtulungan tayo upang malampasan ang anumang pagsubok na darating sa buhay natin bilang nagkakaisang sambayanan!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page