ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Oct. 11, 2024
Photo: Willie Revillame - Wil to Win
“Hindi pa man gumugulong ang kampanya, marami na s’yang kaaway,” ito ang reaksiyon ni Nanay Cristy Fermin tungkol sa binasang pahayag ni Willie Revillame na panayam nito sa News5 nitong Oktubre 8, Martes.
Matatandaang last minute ay nag-file ng Certificate of Candidacy (COC) si Willie sa pagka-senador para sa darating na eleksiyon sa 2025 na maraming nagulat dahil nagsabi siya na hindi niya papasukin ang pulitika pero heto, nabago ang desisyon.
Ito ang isa sa mga topics nina ‘Nay Cristy at Romel Chika sa programa nilang Cristy Ferminute (CF) sa 92.3 Radyo5 True FM kahapon nang tanghali.
Pahayag daw ni Willie, “Hindi ko na kailangan ng pera, hindi ako magnanakaw, takot ako sa Diyos!”
Sey ni ‘Nay Cristy, “Unang-una, sino’ng tao ang nabubuhay sa mundo ang bluntly makakapagsabi ng ‘Hindi ko kailangan ng pera?’ Habang nabubuhay tayo ay mayroon tayong mga pangangailangan at isa d’yan ay ang ating pagkakakitaan, pera.
“Pangalawa, ‘Hindi ako magnanakaw.’ Ngayon pa lang, hindi pa rumaratsada ang kampanya, ang dami na niyang kaaway! Parang sinasabi n’ya rito na ‘Hindi ako magnanakaw.’ Ano ‘yun, patagilid na sinasabing ang ibang pulitiko ay magnanakaw.
“Sabi pa, ‘Takot ako sa Diyos.’ Ito ang interpretasyon ng ating mga kababayan, ‘Bakit, mga magnanakaw lang ba ang takot sa Diyos?’ Dapat pati na rin ‘yung matatalim magsalita at uhaw sa kapangyarihan.
“‘Di ba kung ano ang ginagawa natin sa kapwa ay para na rin nating ginagawa sa Diyos?”
Laging sinasabi ni ‘Nay Cristy na “Bakit ba tayo pupunta sa banyo? Dalawang bagay, may nararamdaman tayo either dumumi or dyi-jingle. Bakit tayo kakain? Kasi nagugutom tayo. Bakit tayo matutulog? (Kasi) Inaantok na tayo.”
Dagdag ni ‘Nay Cristy, “Itong si Willie Revillame, papasok sa mundo ng pulitika, walang armas. Hindi mo alam kung ano ang kanyang plataporma kundi ang magpasaya lamang at magbigay ng tulong sa mahihirap sa ating kababayan!
“Alam n’yo po, mga Kapatid, sa totoo lang, mostly ang litanya ni Willie Revillame ang pagtulong sa mga matatanda, walang pambili ng gamot, walang pagkain sa hapag, Nasaan ang batas, bakit ‘di ka nakahanda? Ano ang plataporma mo? Ano, gusto mo lang ay naghahalakhakan ang mga Pinoy dahil pinatatawa mo at binibigyan mo ng pera, kaya kumakain at may pambili ng gamot?
“‘Wag daw s’yang apurahin (kung ano ang plataporma). Aba’y susmaryosep, ‘wag kang apurahin, eh, bakit ka pumasok?”
Marami sa aming binasang reaksiyon kay ‘Nay Cristy mula sa CFM’ers ay pawang hindi maganda at may nagpayo na, “Dapat ka munang mag-aral ng GMRC (good manners and right conduct). Masyadong madulas ang dila mo, Kuya Will.”
Sang-ayon kami sa payong ito ng tagapakinig ng programa nina ‘Nay Cristy at Romel Chika dahil hindi pupuwede ang istilo ni Willie na sisiga-siga magsalita at kung ano ang gusto ay kailangang sundin.
Anyway, abangan na lang sa mga susunod na araw na baka magbago ang isip ni Willie Revillame at hindi na siya tumuloy sa kanyang kandidatura, lalo’t puro nega ang mababasa niya mula sa mga botante.

USAPING pulitika rin ang mainit na talakayan ngayon sa programang Kwatro Kantos (KK) tuwing Sabado, 10 AM sa Bilyonaryo News Channel na mapapanood din sa YouTube (YT).
Ang KK ay walang takot na talk show na tumututok sa iba’t ibang usapin mula sa kumplikadong isyung pulitikal, at sa iba pang paksa na kinabibilangan ng mga social issues. Bawat episode nito ay nagpapakita ng malalimang diskusyon at eskpertong pag-analisa sa mga usapin na inaasahang magbibigay sa mga manonood ng mas malalim na pang-unawa sa bawat isyu sa loob ng bansa.
Ang mga KK hosts ay ang mga beteranong brodkaster na sina Michael Fajatin, na kilala sa kanyang malalim na pagre-report at masiglang estilo ng pagtalakay; ang PR expert na si Alan German, na nag-aalok ng modernong estratehiya sa komunikasyon at pampublikong pananaw; si dating Cabinet Secretary for Political Affairs Ronald Llamas na gamit ang kanyang malawak na karanasan sa mga kaganapang pampulitika; at si Professor Guido David na hindi matatawaran ang pagiging dalubhasa bilang kilalang data analyst, kaya naman ang talakayan ay siguradong nakabase sa mga datos kung saan makakaasa ang mga manonood.
Ang Bilyonaryo News Channel ay available na sa libreng television channel na BEAM TV 31 (sa pamamagitan ng digital TV boxes sa Metro Manila, Cebu, Davao, Iloilo, Baguio, Zamboanga, at Naga) gayundin sa nangungunang cable TV provider, ang Cignal Channel 24.
Comentários