ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | April 6, 2023
Mula kahapon ng tanghali, idineklara na ng Palasyo na suspendido na ang trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan bilang pagbibigay-daan sa Semana Santa, kaya napakahabang bakasyon ang ating mararanasan hanggang Lunes.
Hindi lang naman ang mga empleyado sa pamahalaan ang nangingilin dahil maging ang mga eskuwela ay suspendido ang klase at kaya umabot nang hanggang Abril 10 ang bakasyon ay dahil ginugunita natin ang Araw ng Kagitingan na isang regular holiday.
Dahil sa haba ng bakasyon, napakarami nating kababayan ang nag-uwian ng probinsya, may mga magpipinetensya, may mga magsasagawa ng Stations of the Cross at iba-iba pang aktibidades na magpapatibay sa pananampalataya ng isang Katoliko.
Sa mga hindi naman kaanib ng Katoliko, ito rin ang panahon na nagsasama-sama sila upang magsagawa naman ng bakasyon grande—tulad ng swimming at ito ang dahilan kung bakit puno ang lahat ng beach resort sa bansa tuwing Semana Santa.
At hindi exempted d’yan ang ating mga ‘kagulong’ dahil sa panahon ng napakahabang bakasyon ay kabi-kabila rin ang mga motorcycle event, biker rallies at kung anu-anong samahan ng mga nakamotorsiklo para lamang bumiyahe patungong mga probinsya.
Kaya sa ating pagbiyahe, normal na tanawin ang mga nakasuot ng uniporme at sabay-sabay na naglalakbay lulan ng kani-kanilang mga motorsiklo na para sa ating mga ‘kagulong’ ay isa sa pinakamasayang gawain ng mga mahihilig sa motorsiklo.
Hindi lang motorsiklo dahil maging ang mga siklista o kahit ordinaryong samahan ng mga nagbibisikleta ay may sama-samang paglalakbay at dumadayo ng mga bayan-bayan sa iba’t ibang lalawigan.
Ganyan pinaghahandaan ng ating mga kagulong ang kahabaan ng Semana Santa na kinakailangan nilang magsama-sama para maglakbay sa pinakamalalayong probinsya at du’n magsisimba o nagsasagawa ng pagtitipun-tipon.
Sa mga ganitong pagkakataon, hindi naman nagpapabaya ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan dahil pinaghahandaan nilang mabuti ang pagdagsa ng mga motorista, bakasyonista at iba pang biyahero.
Kasama sa mga inihahanda ay ang kakayahan ng ating mga kalye, expressway, airport, mga daungan ng barko, bus terminal at mismong mga public transport—kabilang na ang barko at eroplano at tiyak na naglipana na naman ang mga K-9 snipping dogs.
Maging ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ay inatasan ang Philippine National Police (PNP) at Local Government Units (LGUs) hinggil sa kaligtasan ng lahat ng biyahero kabilang na ang ating mga ‘kagulong’.
Naka-full alert din ang Bureau of Fire Protection (BFP) at maging ang Department of Transportation (DOTr) ay naglunsad ng ‘Oplan Biyaheng Ayos’ para tiyakin din ang kaligtasan ng mga biyahero sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nasa heightened alert din ang Land Transportation Office (LTO), kung saan sa pagpasok pa lamang ng Holy Week ay nagsimula nang magsagawa ng inspeksiyon sa mga terminal ng provincial bus at sinusuri ang worthiness ng mga sasakyan—kasabay na rin ng random drug testing sa mga tsuper at konduktor.
Hindi rin nagpahuli ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na nakipagtulungan sa LTO at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para siguraduhing may sapat na bilang ang mga sasakyang babiyahe para sa may 1.2 milyong pasahero ngayong Semana Santa.
Huwag naman nating iasa lahat sa pamahalaan, dapat maging ang mga biyahero ay magplano, maghanda at maging maingat din, dapat ay umalis nang mas maaga kaysa sa oras ng itinakdang biyahe para hindi nagkukumahog na madalas ay sanhi ng aksidente.
Sa ating mga ‘kagulong’, alam naman nating mataas ang bilang ng aksidente tuwing Semana Santa, kaya dapat ay doble-ingat, huwag magyayabang na posibleng humantong sa disgrasya at palaging tandaan na walang medalya sa manibela.
Ang tanging mapapala natin sa paghawak ng manibela ay ang makarating tayo nang ligtas sa ating paroroonan, makapiling ang ating mga mahal sa buhay at wala nang iba pa.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments