ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | January 26, 2022
Sa pagtatapos ng unang buwan ng taon, tayo ay patuloy na lumalaban sa pandemya.
Halos dalawang taon na ang labang ito. Bagama’t nananatiling mataas ang pang-araw-araw na bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19, maingat din nating binubuksan ang mga negosyo at ang pagsasagawa ng aktibidad upang muling mapalakas ang ating ekonomiya at kabuhayan ng ating mga tao.
Sa puntong ito, nananatili ang posisyon ng ating gobyerno na maingat na balansehin ang pangkalahatang kalusugan at kaligtasan ng mga Pilipino, pati ang pagpapatibay ng ating ekonomiya upang tuluyang malampasan ang krisis na ito.
Naniniwala rin tayo na ang pagbabakuna ang susi sa ating pagbabalik sa normal na pamumuhay.
Dapat nating maprotektahan ang ating sarili mula sa malalang epekto ng virus at kamatayan upang tayo ay manatiling malusog at ligtas, pati na rin mabigyan ng tamang alaga ang ating healthcare system.
Kaya naman, ipinagpapatuloy natin ang panawagan na bumaba sa bawat barangay sa bansa at palakasin ang pagbabakuna at siguraduhing walang maiiwan sa muling pagbangon.
Hinihikayat natin ang mga opisyal na maging malikhain sa paghahanap ng mga paraan upang maabot ang bawat kuwalipikadong Pilipino sa lalong madaling panahon. Kung kinakailangan, bisitahin dapat ang bawat tahanan sa bawat barangay upang matiyak na ang bawat Pilipino ay may access sa pagbabakuna.
Hindi man puwedeng pilitin ang ating mga kababayang magpabakuna, bigyan natin sila ng sapat na impormasyon upang mahikayat silang gumawa ng tamang desisyon na makabubuti sa kanilang pamilya at komunidad.
Alagaan at tulungan din natin ang mga healthcare workers (HCWs) at boluntaryo na nagsisikap sa pagbabakuna sa mamamayan. Kung wala sila, hindi natin maaabot ang bilang ng mga Pilipinong ganap na nabakunahan sa ngayon.
Pinupuri natin ang pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte ng karagdagang budget para sa pagbabayad ng COVID-19 Special Risk Allowance sa ating mga HCWs na hindi pa nakatatanggap ng benepisyo. Ito ang pagpapalabas ng P1.185 bilyon mula sa 2021 Contingent Fund para mabigyan ng SRA ang mga kuwalipikadong pribadong HCW at non-Department of Health plantilla personnel na tumutugon sa mga pasyente ng COVID-19.
Kamakailan, nanawagan din tayo sa Ehekutibo na isama rin sa bibigyan ng insentibo ang mga pharmacists na nakikilahok sa Resbakunahan sa Botika. Ito ay upang mas maengganyo pa ang mas maraming botika, lalo na ‘yung sa malalayong lugar, na makilahok sa vaccine rollout.
Natutuwa tayong makitang patuloy na bumababa ang pag-aalinlangan tungkol sa mga bakuna sa COVID-19, ayon sa pinakahuling survey ng SWS. Noong Enero 24, masaya nating ibahagi na ang bansa ay nakatanggap ng kabuuang 215.52 milyong doses ng mga bakuna. Mahigit 57.51 milyong Pilipino na ang ganap na nabakunahan habang 59.86 milyon sa mamamayan ang nakakuha ng kanilang unang dose. Humigit-kumulang 6.49 milyong booster shots ang naibigay na rin.
Hangga’t nand’yan pa ang banta ng COVID-19, huwag muna tayong magkumpiyansa at gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang sa wakas ay makaahon tayo sa krisis bilang mas malakas at nagkakaisang bansa.
Habang dumaraan tayo sa ilang pagsubok, ipinapangako nating hindi titigil ang inyong lingkod sa paggawa ng tungkulin upang matulungan ang bawat Pilipino.
Ang tanging hiling lang natin ay makipagtulungan tayo, magmalasakit sa kapwa at makiisa sa bayanihan efforts tungo sa mas malusog at mas maayos na kinabukasan para sa bawat Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments