top of page
Search
BULGAR

Walang kahirap-hirap... Isinilang sa Year of the Horse, tuloy-tuloy ang tagumpay habang nagma-mature

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | February 2, 2023


Sa pagkakataong ito, tatalakayin naman natin ang katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Horse o Kabayo ngayong Year of the Water Rabbit.


Ang Horse o Kabayo ay silang mga isinilang noong taong 1930, 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002, 2014, at 2026.


Ang Year of the Horse o Taon ng Kabayo ay pinaghaharian din ng impluwensya ng planetang Mercury at sa Western Astrology, ang Year of the Horse ay siya ring kumakatawan sa zodiac sign na Gemini.


Higit na tahimik, maunlad at maligaya ang mga Kabayo na isinilang sa panahon ng tag-araw kung ikukumpara sa mga Kabayo na isinilang sa panahon ng taglamig o panahon ng tag-ulan.


Ngunit sa pangkalahatan, pinaniniwalaan na dahil ang Kabayo ay takbo nang takbo at minsan ay naglalakbay at nagpaparoot-parito kung saan-saan, natatahimik at nagiging panatag lamang ang buhay ng Kabayo pagtuntong niya ng middle age.


Kaya kung ikaw ay Kabayo at napapansin mo na ang iyong buhay ay medyo magulo, pabago-bago ang takbo, hindi mapirmi sa maayos at masayang love life, isipin mo na ganu’n talaga ang buhay o kapalarang itinakda sa mga Kabayo. Pero siyempre, manalig ka pa rin na pagtuntong mo ng edad 35 hanggang 40, ang medyo magulo o hindi tahimik na kapalarang ipinagkaloob sa iyo ng tadhana ay unti-unti nang magbabago.


Lilinaw na ang dating malabong tubig sa batis, hanggang sa habang nagma-mature ka, maraming suwerte, tagumpay at magagandang kapalaran ang kusang ipagkakaloob sa iyo ng langit nang walang kahirap-hirap.


Kaya para sa mga Kabayo, hindi mahalaga ang tumakbo nang tumakbo sa arena ng buhay. Sa halip, ang mas mahalaga ay matuto kang maghintay at makuntento sa mga pangyayari at sitwasyong pang-araw-araw na ipinagkakaloob sa iyo ng tadhana. Oo, dapat makuntento at maging kampante ka habang nasasagupa mo ang mga buhol-buhol na karanasang ito.


Samantala, sinasabing ilan sa mga pangunahing hindi mapapasubaliang katangian ng Kabayo ay ang pagiging masiyahin, malaya, gala nang gala, hindi lamang ang pisikal na katawan pati na rin ang isipan, at higit sa lahat, irresistible o mahirap pigilin o mahirap hadlangan ang isang Kabayo.


Ang totoo pa nito, dahil irresistible ang isa sa mga pangunahing katangian ng Kabayo, sa sandaling ginusto talaga niya ang isang bagay, walang duda na makukuha niya ito nang bonggang-bongga.


Ang problema lamang sa katangian ng isang Kabayo, minsan ay wala naman siyang gusto, kumbaga, sa halip na magkagusto, palagi siyang naghahangad ng laya at lakwatsa o gala. Dahil dito, kadalasan ay napapabayaan niya ang mga dapat niyang iprayoridad sa buhay. Ang nakapagtataka pa sa isang Kabayo ay hindi naman siya nakakulong, pero gustong-gusto niyang makawala o gumala-gala, kaya ganundin ang kadalasang nagiging takbo ng kanyang isipan, pangarap, career, love life at ambisyon sa buhay – hindi kampante, hindi panatag. Bagkus, kung saan-saan napupunta at kumbaga sa nanunungkit sa mataas na puno ng kamatsile, ang layunin, ambisyon at pati love life ng Kabayo ay palaging nasasadlak.


Ibig sabihin, nasungkit mo na iyong kamatsile, imbes na mahulog at masapo mo agad, nasabit pa sa maliliit na sanga at dahon ng kamatsile, kaya hindi mahulog-hulog sa lupa upang ito ay tuluyan mong masapo at mapakinabangan.


Kaya sinasabi na kung matututunan ng Kabayo na mag-concentrate sa iisang bagay o layunin at kung mapipigilan niya ang kanyang isipan na sumuot kung saan-saan, sa halip ay itututok niya ito sa iisang solidong ambisyon, siya ay magkakaroon ng matagumpay at maligayang karanasan habambuhay.


Itutuloy


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page