ni Mharose Almirañez | November 10, 2022
Nakakawalang-gana kapag paulit-ulit na lamang ang mga nangyayari sa araw-araw. ‘Yung pakiramdam mo ay parang hindi ka na nagiging productive dahil naka-stuck ka lamang sa iisang routine at kahit marami kang ideas na gustong ibahagi para sa ikauunlad ng inyong kumpanya ay sinasarili mo na lamang, sapagkat wala namang nakikinig sa ‘yo.
May ilan ding senaryo kung saan tatamarin ka talagang magtrabaho kapag wala man lang naging improvement sa iyong sahod mula noong na-hire ka. Mapapakumpara ka na lamang din kapag wala kayong health card o HMO tulad sa ibang kumpanya. Hays! Bakit nga ba may mga employer na ganyan?
Hindi ko naman sinasabing mag-resign ka na, pero kung wala naman talagang growth, bakit ka mag-i-stay? Well, alam naman nating malapit na ang bigayan ng 13th month pay at Christmas bonus na maaaring dahilan ng pag-i-stay mo. Sabagay, du’n man lang ay makabawi ka, ‘di ba?
Pero beshie, bago ka pa tuluyang makapag-isip na mag-resign o magrebelde sa inyong kumpanya, narito ang ilang tips na dapat mong gawin para hindi ka makaramdam ng katamaran habang ikaw ay nagtatrabaho. Maaari mo rin itong gawin sa iyong lilipatang kumpanya:
1. LUMABAS MINSAN. Kapag nagkayayaan ang mga katrabaho mo na kumain sa labas o gumala matapos ang shift n’yo ay maaari ka ring sumama sa kanila. Mag-bonding kayo paminsan-minsan upang hindi puro trabaho ang inaatupag n’yo. Nakakatulong din ang pagkakaroon ng ka-close sa trabaho para hindi ka makaramdam ng pagkaburyo. Sa ganu’ng paraan ay may makakakuwentuhan ka at maaari rin kayong magpalitan ng ideas and experiences. Pag-usapan n’yo ‘yung bawat rants n’yo sa buhay dahil paniguradong hindi lang naman ikaw ang maraming sey.
2. SULITIN ANG BREAK TIME. Ang typical break time ay tuwing alas-10:00 hanggang alas-10:15 ng umaga, alas-12:00 hanggang ala-1:00 ng tanghali at alas-3:00 hanggang alas-3:15 ng hapon. Sa mga oras na ‘yan, dapat ay away from keyboard ka na. Maaari kang umidlip sa iyong desk, mag-mobile games, manood ng movie o series online, pumunta sa pinakamalapit na mall, mag-lunch out o umuwi kung walking distance lang ang iyong bahay. Huwag mong abusuhin ang iyong sarili na ultimo break time ay tinatrabaho mo pa rin ‘yung mga task na puwede mo namang gawin matapos ang break. Hindi ka robot, beshie. Magpahinga ka rin tuwing break.
3. MAGKAPE. Nakakabuhay ng dugo ang pag-inom ng kape kaya paniguradong mawawala ang iyong antok at katamaran habang nagtatrabaho sa oras na makainom ka nito. Pero siyempre, drink moderately. Huwag mong gawing vitamins ang kape.
4. MAGLAKAD SA HALLWAY. Ang paglalakad ay alternatibong paraan upang mawala ang iyong antok. Tiyakin lamang na hindi maya’t maya ang iyong pagtayo sa ‘yong desk upang hindi ka nila mapuna. Kung may pagkakataon ay subukan mo ring libutin ang buong building at sa oras na makasalubong mo ang iyong boss ay tiyak na mawawala talaga ang iyong antok.
5. AYUSIN ANG WORKSTATION. Nakakatulong ang pabagu-bagong ayos ng iyong desk upang ganahan ka sa pagtatrabaho. Maglagay ka rin ng salamin para ma-monitor mo ang iyong emotions. ‘Yung tipong, kahit stressed ka na, pero sa tuwing nakikita mo ang iyong mukha sa salamin ay napapangiti ka pa rin kasi, “Ang ganda mo.”
Higit sa lahat, kung gusto mo talagang ma-motivate at ma-inspire sa pagtatrabaho ay isipin mo palagi kung para kanino ka ba nagtatrabaho? Anu-ano ba ang goal mo? Pag-isipan mong maigi na sa dinami-rami ng kumpanya ay bakit d’yan mo naisip mag-apply? Balikan mo ‘yung mga sagot mo noong job interview. Paano mo ba sila nahikayat na i-hire ka kumpara sa ibang aplikante na kasabayan mo?
Ang totoo’y wala naman talagang perfect na kumpanya. Kahit ilang empleyado pa ang makausap mo mula sa iba’t ibang industriya ay pare-pareho lamang kayong may rants, kaya kahit saang kumpanya ka man mapunta ay palaging mayroon ka pa ring masasabi.
Gets mo?
Comments