ni Grace Poe - @Poesible | August 16, 2021
Dumating na nga ang inaasahang pagtaas ng COVID-19 infection sa ating bansa. Noong Sabado, nakapagtala tayo ng mahigit 14 milyong kumpirmadong kaso, at hindi pa kumpleto ito dahil may mga laboratory na hindi nakapagpasa ng kanilang ulat. Naglalabas na ng anunsiyo ang maraming ospital na puno na ang pasilidad nila at hindi na makapag-a-admit ng COVID-19 patients.
Pinahaba ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa ibang lugar bilang mabilisang solusyon para pabagalin ang transmisyon ng impeksiyon sa mga lokalidad. Kahit marami ang umaalma sa paulit-ulit na lockdown na walang kasamang testing at walang suporta sa mga apektadong industriya at kabuhayan. Sa gitna nito lumabas ang findings ng Commission on Audit ng mga pagkukulang sa paggamit ng 67.32 bilyong COVID-19 fund ng Department of Health (DOH).
Naglaan ang pamahalaan ng pondo sa Department of Health (DOH) para magamit sa ating COVID-19 response.
'Yun lang, lumalabas na hindi agad nagamit ang pondo o kaya natengga lamang. Sa panahong napakarami sa ating mga kababayan ang naghihintay ng aksiyon mula sa DOH, hindi naman pala umabot sa implementasyon ang pinaglaanan natin ng budget.
Dahil dito, naghain tayo ng panukala na imbestigahan ang mga pagkukulang ng DOH base sa COA report, kabilang na ang paggamit ng pondo hindi sa pinaglaanan nito, maling pagcha-charge ng mga transaksiyon, kaduda-dudang likuwidasyon, pagbili nang walang legal na basehan, at iba pang mga bagay na nais nating maging malinaw.
Isa sa mga kumalat sa social media ang dokumento para sa pagbili ng apat na laptop na binayaran ng DOH ng P700,000. Pinagpistahan ito ng netizens dahil pinalobo ang halaga ng nasabing computer units. Sa panahon ng pandemya na ang ating healthcare workers na araw-araw sumusuong sa panganib ng impeksiyon ay hindi nakatatanggap ng wastong hazard pay sa tamang oras, insulto ang ganitong mga anomalya sa nasabing ahensiya.
Ang magsawalang-bahala sa gitna ng paghihirap ng bansa ay malaking kamanhiran.
Bilang mambabatas, ginagawa natin ang lahat para magkaroon ng pondo ang mga programa ng bawat ahensiya ng pamahalaan para makapaghatid ng serbisyo sa ating mga kababayan. Ito ay pera ng mga tao na dapat ibalik sa kanila sa pamamagitan ng paglilingkod. Hindi ito dapat masayang, at lalong hindi dapat maibulsa ng mga walang malasakit sa kapwa.
Comments