ni Lolet Abania | April 26, 2021
Magpapatupad ang ilang unibersidad sa bansa ng “no fail policy” sa gitna ng pandemya ng COVID-19.
Kabilang sa mga universities na magsasagawa ng naturang polisiya ang De La Salle University (DLSU) at ang University of the Philippines (UP).
Inaprubahan ng La Salle ang isang resolusyon na ipatupad muli ang policy mula Term 2 ng Academic Year 2020-2021 hanggang sa susunod na abiso.
Inianunsiyo rin ng UP na walang estudyante ang mabibigyan ng bagsak na grado ngayong semester.
“During pre-COVID, in order to merit an incomplete, a student must have a passing class standing and only a minimum of requirement not yet submitted. This time, even if you haven't submitted anything this semester, you will not fail,” ani UP Public Affairs Vice-President Elenia Pernia.
Ayon pa kay Pernia, ang mga estudyante ay mayroong isang taon para makumpleto nila ang lahat ng kinakailangang requirements.
Samantala, hindi magpapatupad ang Ateneo de Manila University ng “no fail policy” sa kanilang mga estudyante.
“Its structures provide ways of making students fulfill requirements that take into consideration their individual contexts,” ayon sa pamunuan ng Ateneo.
Dagdag pa ng ADMU, sakaling makaranas ng hirap ang estudyante sa pag-aaral, maaaring mag-request ito ng withdrawal with permission o makakuha ng incomplete na may option para sa extended period hanggang sa makumpleto nito ang kailangang requirements sa incomplete grade.
Ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) ay hindi rin ipatutupad ang nasabing polisiya.
Gayunman, ayon sa PUP communication management office, hinihimok nila ang kanilang faculty na magkaroon ng maximum tolerance, kaluwagan at compassion o pagmamalasakit sa kanilang mga estudyante.
Matatandaang naghain ang Makabayan Bloc ng resolutions upang himukin ang Department of Education (DepEd) at ang Commission on Higher Education (CHED) na mag-impose ng isang moratorium para sa pagtataas ng tuition fees at ipatupad ang academic easing habang may COVID-19 pandemic.
Sa pamamagitan ng House Resolution 1722, nanawagan ang mga mambabatas sa dalawang ahensiya para ihinto muna ang pagtataas ng tuition fee at iba pang bayarin, kung saan matagal nang tinatalakay dahil sa patuloy na pagsirit ng antas ng edukasyon sanhi ng mga polisiya sa deregulation at commercialization.
Yorumlar