ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 22, 2023
May mga taong nagsasabwatan upang makagawa ng krimen. Ang pagsasabwatang ito ay dapat na mapatunayan. Ngunit, paano kung hindi lahat ng mga pinaniniwalaang may kinalaman dito ay masampahan ng kaso? Ano ang mangyayari sa kaso ng biktima?
Halina’t alamin natin ang kasagutan sa ating artikulo ngayon na kaugnay sa kasong hawak ng aming Tanggapan ang People of the Philippines vs. PCI Exequiel Cautiver y Magpale (Exequiel), Victor Carungcong (Victor), Alejandrito Entrolizo y Vilar (Alejandrito), PCI Penelope M. Cautiver (Penelope), and Mariano De Leon Jr., A.K.A. Spider (CA-G.R. CR-HC No. 09211, January 21, 2020, na isinulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Elihu A. Ybañez [Special 14th Division]).
Si Police Chief Inspector (PCI) Penelope ay isa sa mga nadawit sa pagdukot, pagbihag at pagpaslang sa mga biktimang sina Demosthenes at Allan. Ang kasama niyang naakusahan at umapela ay ang kanyang asawa na si PCI Exequiel kasama sina Victor, Alejandrito at Mariano.
Batay sa Judicial Affidavit ni Carmelita, asawa ng biktimang si Demosthenes, noong Hunyo 27, 2008 nang nawala si Demosthenes at drayber nitong si Allan. Noong araw ring iyon ay nakatanggap siya ng tawag mula sa isang lalaki na nanghihingi ng P20M kapalit ang buhay ni Demosthenes. Nang mga sumunod na araw ay nakatanggap pa diumano siya ng mga tawag at nakausap din si Demosthenes na sinabing hindi na nito kaya ang pagpapahirap na ginagawa sa kanila.
Noong Hulyo 4, 2008, nang ipabatid diumano ni Carmelita sa pamamagitan ng tawag na nakalikom na siya ng halagang P973,000.00. Pumayag diumano ang mga bumihag na tanggapin ito kapalit ang pagpapalaya kay Demosthenes, kung kaya’t agad na nagtungo si Carmelita at ang anak niyang si Mark sa lugar na iniutos na pagdalhan ng pera. Matapos ang ilang beses na pagtawag at iba't ibang utos ng mga bumihag, may lalaki na nagmamaneho sa pedicab ang lumapit kay Mark na kalaunan ay nakilala bilang si Pateo. Iniabot diumano ni Mark kay Pateo ang plastic na naglalaman ng pera na ibinigay naman nito sa isa pang lalaki na nakasakay sa naturang pedicab na kalaunan ay nakilala bilang si Alejandrito.
Nang makausap ni Carmelita ang bumihag sa kanyang asawa, pinangakuan diumano siyang papalayain si Demosthenes. Subalit noong Hulyo 7, 2008, nakatanggap ng tawag si Mark na ang kanyang ama ay natagpuang patay at mayroong tama ng baril.
Si PO1 Selga ay isa sa mga naakusahan ngunit kalaunan ay ginawang state witness. Siya diumano ay naging pulis noong Disyembre 2003, at huling linggo ng Pebrero 2008 ay na-assign siya sa SAF Training Camp at kalaunan ay na-assign siya bilang security escort ng akusadong si Mariano. May ilang pagkakataon diumano na sinamahan niya si Mariano sa mga lakad nito.
Mayo 28, 2008, isinama diumano siya ni Mariano sa isang training camp upang bisitahin si PCI Exequiel. Noong gabing iyon, narinig diumano ni PO1 Selga na sinabi ni Victor na naghahanap ito ng gun-for-hire upang ipapatay ang kanyang bayaw na si Demosthenes.
Gabi ng Hunyo 26, 2008, narinig diumano ni PO1 Selga ang plano nina PCI Exequiel, PCI Penelope, Mariano at Victor na patayin si Demosthenes at humihingi ng halagang P20 milyon na ransom. Hunyo 27, 2008 naman diumano nang marinig niya si Mariano na kausap sa telepono si PCI Exequiel at inutusan na maghanda na ito at ang kanyang mga tauhan.
Hulyo 6, 2008 nang makatanggap diumano si PO1 Selga ng text message mula kay PCI Penelope na sinabihan siyang huwag munang pupunta ng Maynila o kaya naman sa SAF. Kinumpirma rin ni PO1 Selga na inutusan siya ni Mariano na huwag magsalita ukol sa kanyang mga narinig.
Hulyo 7, 2008 nang dalhin si PO1 Selga sa Camp Crame. Matapos ang eksaminasyon at panayam sa kanya, ibinigay kay PO1 Selga ang kanyang encoded na salaysay upang masuri ang nakasaad dito. Sinabi niya diumano na hindi na niya ibinahagi ang mga naganap noong Hunyo 26, 2008 hanggang Hunyo 28, 2008 sa takot niya noong mga panahong iyon.
Si P/Sr. Insp. Canuel ay isa sa mga testigo ng prosekusyon. Ayon sa kanyang testimonya, noong araw ng Hulyo 4, 2008 ay sinundan ng kanyang pangkat ang pedicab na pinag-abutan ni Mark ng pera at kanilang naaresto sina Pateo at Alejandrito.
Ayon diumano kay Alejandrito, pinsan niya si PCI Exequiel at inutusan lamang siya na kunin ang ransom money. Ipinakita rin diumano ni Alejandrito ang palitan nila ng mensahe ni PCI Exequiel. Agad na ipinaalam ni P/Sr. Insp. Canuel kay Supt. Lee na isang pulis ang sangkot sa naturang krimen. Kalaunan ay na-turn over ang kustodiya nina Pateo, Alejandrito at PCI Exequiel, pati ang mga nalikom na ebidensya, para sa kaukulang imbestigasyon.
Base sa Medico-Legal Report, ang dahilan diumano ng ikinamatay ni Demosthenes ay “intra-cranial hemorrhage due to gunshot wounds to the head.” Si Allan naman ay “gunshot wounds to the head and neck.”
Sa panig ng depensa, mariing itinanggi PCI Exequiel na siya ay may kinalaman sa nasabing pagdukot at pamamaslang. Siya ay pinapunta lamang diumano sa isang coffee shop noong Hulyo 4, 2008 at doon siya ay inaresto.
Batay din kay PCI Exequiel, siya ay binugbog, lubos na pinahirapan at pilit pinaaamin ukol sa krimen. Kalaunan ay napilitan diumano siyang pumirma ng isang extrajudicial confession sa takot na madagdagan pa ang pagpapahirap sa kanya.
Ayon naman kay PCI Penelope, humingi siya ng tulong upang malaman ang kinaroroonan ng asawa niyang si PCI Exequiel. Nang makita at marinig diumano ang sinapit na torture nito, agad siyang humingi ng tulong sa Commission on Human Rights (CHR) upang mapasuri ang asawa. Naghain din siya ng Petition for the Issuance of Writ of Amparo sa Regional Trial Court (RTC). Makalipas ang ilang araw, idinawit na siya sa pagdukot at pagpaslang sa mga biktima.
Ang akusadong si Mariano naman ay itinanggi na may kinalaman sa sinapit ni Demosthenes at Allan, pati na rin ang ugnayan niya sa ibang mga naakusahan.
Itinanggi rin ni Victor at naaresto diumano siya nang walang warrant. Isinakay diumano siya sa dalawang magkaibang sasakyan at kalaunan ay dinala sa Camp Crame kung saan siya ay pinuwersa na pumirma sa isang extrajudicial confession, ngunit siya ay tumanggi.
Ayon naman kay Alejandrito, siya ay patungo sa Makati noong Hulyo 4, 2008 nang bigla na lamang diumano may humarang sa kanya na puting sasakyan. Kinuha diumano siya ng apat na lalaki at dinala sa Camp Crame kung saan siya ay dinetine at binugbog.
Matapos ang paglilitis, nakumbinsi ang RTC na mayroong naging sabwatan sa pagitan nina PCI Exequiel, Victor, Alejandrito, PCI Penelope at Mariano. Kung kaya sila ay binabaan ng hatol na conviction para sa kidnapping for ransom with double murder.
Hindi sila sang-ayon sa naturang desisyon, kaya agad nilang inapela ito. Gayunman, in-affirm ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng RTC, maliban na lamang sa hatol kay PCI Penelope. Ayon sa CA, sumapat ang mga ebidensya na isinumite ng prosekusyon at napatunayan umano na mayroong naging sabwatan sa pagitan nila PCI Exequiel, Victor, Alejandrito at Mariano. Nakita rin ng CA na balido ang extrajudicial confession na ginawa ni PCI Exequiel kung saan ay detalyado niyang inilahad ang kanilang naging plano at pagsagawa sa krimen. Bagaman noong nililitis na ang kanilang kaso ay binawi diumano ni PCI Exequiel ang naging pag-amin, mas naging kapuna-puna para sa CA ang mga bakas na malaya at pinag-isipang ginawa ang nasabing pag-amin, at ang pagbawing ginawa ni PCI Exequiel ay para na lamang umano iiwas ang kanyang sarili sa kriminal na responsibilidad.
Binigyang-halaga rin ng CA ang mga naging testimonya ni PO1 Selga, pati na rin ang mga katibayan ukol sa palitan ng mga tawag at text messages nina PCI Exequiel, Mariano, Victor at Alejandrito patungkol sa pagdukot at paghingi ng ransom.
Ayon din sa CA, bagaman ang extrajudicial confession ay karaniwang admissible lamang sa mismong confessant o taong gumawa nito, maaari umanong magamit ang nasabing pag-amin kung magsisilbi itong patunay sa kasalanan ng kapwa akusado ng confessant. Sapagkat, naipahayag sa extrajudicial confession ni PCI Exequiel ang partisipasyon nina Mariano, Victor at Alejandrito, napagtibay ang kanilang responsibilidad sa krimen.
Subalit para sa CA, hindi umano napatunayan nang may moral na katiyakan ang partisipasyon ni PCI Penelope sa krimen. Maliban diumano sa testimonya ni PO1 Selga na naroon si PCI Penelope nang magpulong sila nila Mariano at na may isang pagkakataon na tinawagan siya ni Mariano, wala na umanong iba pang ebidensya na nagsasabing nakipagsabwatan si PCI Penelope sa mga kapwa-akusado.
Ayon sa CA, sa panulat ni Honorable Associate Justice Elihu A. Ybañez ng Special 14th Division: “To establish conspiracy, evidence of actual cooperation rather than mere cognizance or approval of an illegal act is required. Nevertheless, mere knowledge, acquiescence or approval of the act, without the cooperation or agreement to cooperate, is not enough to constitute one a party to a conspiracy, but that there must be intentional participation in the transaction with a view to the furtherance of the common design and purpose. Hence, in the absence of conspiracy, if the inculpatory facts and circumstances are capable of two or more explanations, one of which is consistent with the innocence of the accused and the other consistent with his guilt, then the evidence does not fulfill the test of moral certainty and is not sufficient to support a conviction. Exoneration must then be granted as a matter of right.”
Bagaman naabsuwelto ang isa sa mga naakusahan sa kasong ito, maaari pa rin itong magbigay ng hinagpis para sa mga naulila ng biktima, sadyang mamarapatin ng hukuman na magpalabas ng judgment of acquittal kung hindi sapat ang ebidensya ng prosekusyon.
Sa ating hustisya, maigi na magpalaya ka ng isang akusado dahil sa kahinaan ng ebidensya laban sa kanya, kaysa na hatulan ito. Sapagkat sa ating batas, kinakailangan ang “proof beyond reasonable doubt” o sapat na pruweba ng partisipasyon ng akusado sa krimen bago maipataw ang angkop na kaparusahan. Nawa’y kahit papaano sa pagkaka-affirm ng conviction ng apat pang naakusahan, ay nabigyan pa rin ng katahimikan ang mga kaluluwa ng mga walang-awang napaslang na sina Demosthenes at Allan.
Comentarios