ni Mabel G. Vieron @Gulat Ka 'No?! | August 15, 2023
Opisyal nang tinalo ni Erin Honeycutt, 38-anyos, mula sa USA ang world record ni Vivian Wheeler, 75, na dating may pinakamahabang balbas.
Imagine, nakayanan niyang pahabain ang kanyang balbas ng 11.81 inches na ‘di man lang uminom ng kahit na anong supplement. Kung ikaw si Honeycutt, kakayanin mo rin kaya ito?
Ayon sa kanya, siya ay may polycystic ovarian syndrome (PCOS), isang kondisyon na nagdudulot ng hormonal imbalance at maaaring magresulta sa hindi regular na pagkakaroon ng menstruation, pagtaas ng timbang, pagkabaog, at labis na paghaba ng buhok.
Nagsimulang tumubo ang balbas ni Honeycutt, noong siya ay 13-anyos pa lamang.
Gumamit siya ng iba’t ibang paraan upang matanggal ito, tulad ng pag-aahit at pagwa-wax.
3 times a day kung mag-ahit ng balbas si Honeycutt, ipinagpatuloy niya ito hanggang sa siya ay tumanda
Hindi lamang ang PCOS ang isyu sa kalusugan na kinailangang labanan ni Honeycutt dahil noong 2018 umano, nasugatan ang kanyang paa at agad siyang idinala sa ospital, kung saan nagkaroon siya ng necrotizing fasciitis sa kanyang binti, na isang bihirang bacterial infection na nagresulta sa pagkamatay ng mga bahagi ng malambot na tissue ng kanyang katawan.
Ayon sa kanya, buong tapang niya umanong haharapin ang pagsubok na ito sa kanyang buhay.
Gayunman, ang kanyang mga komplikasyon sa kalusugan ay hindi tumigil do’n. Ang presyon ng kanyang dugo ay tumaas nang tumaas hanggang sa siya ay na-stroke.
Pinayuhan si Honeycutt ng kanyang doktor na kung patuloy siyang mag-iisip nang positibo, mas mabilis siyang gagaling.
Ang binti ni Honeycutt ay naging septic at gangrene, na nagresulta sa kanyang pagpapasya na putulin na lamang ang kalahati ng kanyang paa.
Si Honeycutt ay madalas na naco-confuse sa kung ano ang magiging hitsura ng kanyang balbas kapag siya ay ganap na tumanda.
Hanggang sa nagpasyahan ni Honeycutt na pahabain ang kanyang balbas sa panahon ng nationwide lockdown na ipinatupad dahil sa pandemya ng COVID-19.
Sa pagsali ni Honeycutt sa Guinness World Records, na sumunod sa yapak ng iba pang mga babaeng may balbas tulad nina Vivian Wheeler at Harnaam Kaur, sana umano ang kanyang kuwento ay makapagbigay ng kumpiyansa sa iba pang mga kababaihang mayroong PCOS, na nagpapatunay na maaari silang yakapin ng lipunan at ng kanilang mga mahal sa buhay.
Comments