ni Gerard Peter - @Sports | July 07, 2021
Pinaalalahanan ang lahat ng national athletes na sasabak sa Summer Olympic Games na manatiling ligtas at umiwas na madapuan ng delikadong coronavirus disease (COVID-19) upang hindi mabalewala ang lahat ng pinaghirapang pangarap na makatuntong sa prestihiyosong kompetisyon.
Dahil wala ng makapipigil pa sa pagdaraos ng Olympic Games na magsisimula sa Hulyo 24-Agosto 8 sa Tokyo, Japan, tanging ang mga atleta na lang sa buong mundo ang hinihintay na magpakita at maglaro rito sa kabuuang 339 events sa 33 sports, habang nasa 11 National Sports Association (NSAs) sa bansa ang maghahangad at magsusumikap na makuha ang kauna-unahang gintong medalya ng bansa sa loob ng 97 taon.
“Ang preparation ng Olympics is always Go and the athletes are raring to go and ready to compete. Ang apprehensions lang natin is baka 'di sila agad pumasa sa tests or RP PCR tests, 'yun lang ang kinakabahan tayo, kase sayang naman 'yung pinaghirapan. Ilang taon ang pinaghirapan nila, and because of this (COVID-19) hindi sila makapag-compete,” ani 2020+1 Tokyo Olympics Chef de Mission Mariano “Nonong” Araneta sa panayam dito ng Radyo Pilipinas 2.
“Yun ang nais nating iparating sa mga atleta na alagaan mo yung sarili nila for the next day’s bago mag-competition. Yun ang concern natin, kaya panay ang paalala natin na sundin ang playbook na wala ng despedida parties, walang kahit ano, basta focus on the Olympics,” dagdag ni Araneta, na tinukoy ang nangyaring kaso sa dalawang Ugandan athletes mula weightlifting, kung saan ang 8 delegasyon nito kasama ang boxers ay may close contact at inatasang manatili muna sa Izumisano Hotel sa Osaka para sa quarantine. Ang mga naturang atleta ay naturukan na ng dalawang doses ng AstraZeneca vaccines bago tumulak ng Japan.
Ito na rin mismo ang nakikitang magiging problema ng lahat ng delegasyon sa Tokyo Olympics dahil hindi paniguradong ligtas sa COVID-19 ang bawat atleta, kaya’t kinakailangang sunding mabuti at maging istrikto sa pagpapatupad ng playbook sa lahat ng atleta, coaches at officials.
Comments