ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | December 07, 2021
Nitong nakalipas na pandemya, parami nang parami ang mga na shows na kung tawagin na BL o boy love series, lalo na sa ibang bansa, tulad ng Thailand na naging sikat at pinalalabas na rin pala sa streaming sites maging sa Amerika. Sa katunayan, una kong nalaman ang kasikatan ng mga BL mula sa pinsan kong nakatira sa Canada. Hindi siya bahagi ng LGBTQ community kaya nagulat ako dahil palagi raw siyang puyat kakapanood ng bagong uri ng programang ito.
Hindi pa rin ako nakakapanood ng anumang BL, kung kaya’t nagulat ako na may bago na naman palang ipalalabas na tila mula sa similar na putahe ng pelikula, ang GL o girl series. At ngayon, hindi ito mga naka-dub lang kundi ang mismong gumawa nito ay mga Pilipino. Mula sa batikang direktor na si Sigrid Reyes na nakilala rin sa pagbubuo ng mga kakaibang uri ng pelikula, tulad ng Kita Kita kung saan magka love team sina Alessandra de Rossi at ang komedyanteng si Empoy, isang GL series ang ipapalabas sa lokal na streaming site.
Aniya, layon ng seryeng “Lulu” na isulong ang adbokasiya ng pantay-pantay na pagtingin sa mga myembro ng LGBT at maipakita niyang hindi “ibang” tao ang mga lesbian. Kung kaya’t para sa kakaibang seryeng ito, pinili niya ang real life lesbian na si Rita Martinez na unang sumikat sa The Voice Philippines season 2 upang mabigyan ng mas makatotohanang pagganap ang role ni Abi, na isang lesbian sa Lulu. Kahit unang beses niyang sumabak sa pag-aartista, namangha si Sigrid sa lalim ng pag-arte ni Rita. Ayon kay Rita, nakatulong sa kanyang unang acting role ang paghugot niya sa mga sariling karanasan at pinagdaanan niya sa buhay. Isa na sa mga karanasang pinaghugutan niya ay ang pag-amin sa kanyang mga magulang na aminado siyang naging masakit na karanasan dahil hindi siya agarang tinanggap. Kung kaya’t bilang bahagi ng kanyang adbokasiyang maging inspirasyon sa mga batang may pinagdaraanang pagsubok tulad ng pinagdaanan niya, tinanggap niya ang hamon na sumabak sa pag-aartista para sa seryeng ito. Naalarma rin si Rita sa dami ng kabataang bahagi ng kanilang komunidad na nagpapakamatay dahil sa depresyon kung kaya’t heto ang payo nya sa mga may pinagdaraanang, tulad niya noon:
1.Gamitin ang mga pagsubok upang maging motibasyon sa pagpapabuti ng sariling kakayanan at lakas.
2. Huwag gamitin ang pagsubok upang maging dahilan ng pagrerebelde.
3. Matutunang mahalin ang inyong mga sarili.
At may payo rin si Rita sa mga magulang ng mga batang LGBT, at ito ay mas palawigin ang pag-unawa sa pinagdaraanan ng inyong mga anak bago mahuli ang lahat.
Sa katunayan, madalas pa nga, mula sa mga nakikita ko sa mga kaibigan kong kung tawagin ay bakla at tomboy, sila pa ang mas matinding mag-alaga sa mga magulang at maging sa iba nilang kaaanak. Ang pinaka-aral natin dito ay wala sa gender ang batayan ng pagiging mabuting tao.
Kung kayo ay may kakilala o ikaw mismo ay may pinagdaraanang depresyon, tandaang hindi mo kailangang solohin ang problema. Tumawag sa sumusunod na libreng hotlines:
National Mental Health Crisis Hotline
Phone:
• 1553
• (0966) 351-4518
• (0908) 639-2672
Suicide Crisis Lines
• (02) 8893-7603
• Globe: 0917-8001123
• Sun: 0917-8001123
Kung kayo o kung kayo ay may kakilalang nakararanas nito, mag-email lamang sa atin sa mathayrikki@gmail.com para sa mga numerong puwede ninyong tawagan, o sumangguni sa crisis hotline numbers ng Department of Health 1553 - Luzon wide landline toll free Globe/ ™ - 0966-351-4518/ 0917-899-8727 Smart/ SUN/ TNT Subscribers - 0908-639-2672
Comments