ni Lolet Abania | July 2, 2022
Ipinahayag ng Department of Health (DOH) ngayong Sabado na walang magiging pagbabago sa polisiya at COVID-19 response ng bansa sa ahensiya sa kabila ng kawalan ng itinalagang kalihim nito.
Sa ngayon, wala pang na-appoint si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na magiging health chief na siyang mangangasiwa sa COVID-19 response ng bansa, sa gitna ng mga potensiyal ng mas nakahahawang variants ng coronavirus at ng tinatawag na waning population immunity mula sa virus.
“Our current pandemic response protocols continue to be implemented. Everything is status quo until new directives from our new President come in,” pahayag ng DOH sa mga tanong ng reporters.
“The country’s COVID-19 response actions, along with actions for all other non-COVID health matters, continue through senior DOH officials supervising specific bureaus, offices and units. We await and are ready for the announcement of the next Secretary of Health,” batay sa statement ng DOH.
Sa unang memorandum circular ng Marcos administration nitong Biyernes, ayon sa Malacañang, “government agencies where the new President has yet to appoint a secretary or head would be led by an officer-in-charge. That person should be the highest ranking official in the agency.”
Gayunman, wala pang binanggit ang DOH na kanilang magiging OIC. Una nang sinabi ni dating DOH Undersecretary Myrna Cabotaje na si DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire ay isa sa mga opisyal na mananatili sa ahensiya sa ilalim ng bagong administrasyon.
Si Vergeire, isang undersecretary at career executive service officer (CESO) II, ay siya ring head ng National Vaccination Operations Center (NVOC).
Ayon naman sa press secretary ni P-BBM, ang opisina ng Pangulo ay patuloy na nagsasagawa ng screening ng mga pangalan at pipiliin para humawak sa isa sa mga pinaka-crucial na trabaho habang nakararanas pa rin ng krisis sa kalusugan ang bansa.
“Sinusuri pa po nila, as you know, nagtalaga tayo ng application process at tsaka mayroong proseso para sa pag-e-evaluate... Hindi puwedeng madiliin ‘yung proseso,” paliwanag ni Secretary Trixie Cruz-Angeles.
Kaugnay nito, isang grupo ng mga private hospitals ang nagrekomenda sa government adviser na si Dr. Ted Herbosa bilang susunod na DOH secretary.
تعليقات