top of page
Search
BULGAR

Wala pa man, pero dapat palaging ready… Dapat gawin habang papalapit ang tag-ulan

ni Justine Daguno - @Life and Style | June 03, 2021




Kasunod ng napakainit na panahon, halos maya’t maya na rin ang pagdating ng ulan ngayon. Tipong kung walang patayan ang electric fan at aircon noon, halos hindi na ito bubuksan ngayon dahil malamig na. Well, bagama’t wala pang opisyal na ‘rainy season’ na nga, dapat palagi pa rin tayong ready. Kaya naman, narito ang ilan sa mga tips natin:


1. PALAGING MAGDALA NG PAYONG AT JACKET. Hindi tayo water-proof kaya ugaliing magdala ng mga gamit panangga tulad ng payong, jacket, kapote at iba pa. Magdala ng mga ito umulan man o hindi dahil hindi natin alam kung kailan ito bubugso. Huwag hayaang mabasa ang sarili, bawal magkasakit sa panahon ‘to.

2. KUMAIN NG MASUSUSTANSIYA AT UMINOM NG VITAMINS. ‘Ika nga, “Prevention is better than cure.” Huwag hayaang magkasakit muna bago alagaan ang sarili. Ugaliing kumain ng masusustansiyang pagkain at uminom din ng bitamina nang sa gayun ay makasisiguro tayong malakas ang ating resistensiya.


3. MAG-STOCK NG PAGKAIN. Mahirap mamalengke o mag-grocery kapag umuulan, bukod sa hassle dahil basa at ‘messy’ ang mga daan, mahirap din naman ang labas nang labas dahil nagkalat pa rin sa paligid ang nakahahawang virus. Kung may budget at time ay mamili ng mga kailangan, at iwasan na ang pakikipagsabayan sa iba.


4. IHANDA ANG EMERGENCY KIT. Siguraduhing may ‘go bag’, kung saan narito ang mga basic supply tulad ng mga de-lata, bottled water, flashlight, at ekstrang damit. Ilagay din ang mahahalagang dokumento at sapat na pera. Siguraduhing ilalagay ito sa ‘accessible’ o sa lugar na madali itong makikita at makukuha kapag may hindi magandang pangyayari o sakuna dulot ng panahon.


5. I-CHARGE PALAGI ANG CELLPHONE. Madalas ang brownout o pagkawala ng kuryente kapag ganitong tag-ulan. Huwag hayaang ma-‘deadbatt’ o mawalan ito ng battery dahil malaking bagay ang telepono o cellphone kapag may emergency. Gayundin, i-charge ang power bank, flashlight at iba pang kapaki-pakinabang na bagay.


6. PALAGING MAKINIG NG BALITA. Ugaliing tumutok palagi sa balita nang sa gayun ay palaging updated sa mga kaganapan sa paligid. Makabubuti na alam natin ang mga nangyayari para alam din natin ang mga hakbang na ating gagawin sakaling may aksidente.


Sa panahon ngayon, kailangan na palagi tayong handa sa mga puwedeng mangyari. Bukod sa pagsunod sa mga health protocols para manitiling COVID-free, dapat ready din sa epekto ng panahon. Tandaan, iba pa rin ang may alam. Gets mo?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page