ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | Mar. 2, 2025
Photo: Bong Revilla Jr. - FB
Humarap si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. kahapon sa isang press conference at game na sinagot ang mga katanungan ng entertainment press tungkol sa kanyang kampanya bilang re-electionist, mga batas na naipasa, at iba’t ibang isyu sa showbiz industry.
Ayon kay Sen. Bong Revilla a.k.a. Tolome (karakter niya sa seryeng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis), sobrang nagpapasalamat siya sa patuloy na suporta ng taumbayan sa kanyang kampanya. Ramdam na ramdam daw niya ang pagmamahal ng tao sa mga naging pag-iikot niya nitong nakaraang pagsisimula ng official campaign period.
Malaking tulong na na-appreciate nina “Juan at Juana Dela Cruz” ang mga makabuluhang batas na naipasa niya, lalo na nitong kasalukuyan niyang termino sa Senado katulad ng “Kabalikat sa Pagtuturo Act” (RA 11997), “Expanded Centenarians Act” (RA 11982), “Free College Entrance Examination Act” (RA 12006), “No Permit, No Exam Policy Prohibition Act” (RA 11984), at ang “Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act” (RA 11909).
Isa sa mga mainit na tanong na ibinato ng mga showbiz reporters kay Bong Revilla ay ang patuloy na paghina ng pelikula sa takilya. Sagot ng veteran actor-lawmaker, global phenomenon ito at hindi lang sa Pilipinas nangyayari.
“Kailangan talaga maganda ang pelikula para humatak ng manonood at hindi aantayin na lang sa streaming o online,” aniya.
Dagdag pa niya, dapat mag-adjust ang industriya at pag-aralan kung paano mapapanatili ang viability ng pelikula, tulad ng pagbibigay ng incentives sa mga producers, lalo na sa maliliit na kumpanyang hirap makapasok sa sinehan.
Tanong naman ng press tungkol sa Eddie Garcia Law, tila nagpapahirap ito sa mga producers. Aminado si Bong Revilla na nangangapa pa ang industriya, pero naniniwala siyang makakasanayan din ito at magiging kapaki-pakinabang sa buong industriya.
“Naniniwala ako na it is for the industry as a whole at hindi lang sa mga manggagawa,” paliwanag niya.
Dagdag ng senatorial re-electionist, napatunayan niyang posible ang compliance nang hindi naisasakripisyo ang kalidad ng proyekto.
Usap-usapan din ngayon ang panukalang palawakin ang sakop ng MTRCB para masaklaw ang online at streaming content. Ang sagot ni Bong Revilla? Dapat patas ang batas.
“Hindi kasi tama na ‘yung mga online at streaming ay kung anu-ano na lang ang puwedeng ipalabas kahit hindi ito tumatalima sa kagandahang-asal, values, at kultura ng bansa,” giit niya.
Sa tanong kung dapat na bang ipahawak na lang ang Metro Manila Film Festival (MMFF) sa mga taga-showbiz industry, bukas si Sen. Bong sa ideya.
“Puwede namang i-privatize na ‘yang MMFF para ang industriya na ang magdaos nito. In fact, sa tingin ko, wala namang hadlang na gumawa ng film festival ang industriya. Pero ‘pag ganyan, no government funds can be used for the purpose,” paliwanag niya.
Pinag-aaralan din umano niya kung maaaring hikayatin ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) na magtayo ng sarili nilang film festival bilang alternatibo.
Well, tinanong din si Bong Revilla kung may plano siyang gumawa ng bagong proyekto matapos ang eleksiyon. Sagot ng senador, public service ang priority niya, pero kung magkakaroon ng ekstrang oras at pagkakataon, gusto niyang tapusin ang naudlot niyang pelikula at isulong ang Season 4 ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis (WMNPSMNM).
“Let’s cross the bridge when we get there,” ani Revilla.
Isa rin sa mga naitanong kay Sen. Bong ay kung wala ba siyang planong tumakbong presidente ng bansa sa 2028 presidential elections at sunud-sunod na iling ang isinagot ng aktor-pulitiko.
“Nakulong na ako dahil d’yan sa mga ganyan. Ayaw ko n’yan, sa kanila na ‘yun. Makatulong lang tayo dito bilang senador, okay na ‘yun. Ayoko. Sa kanila na ‘yan,” ang matigas niyang pagtanggi.
Nilinaw nga rin niya ang fake news na siya umano ang papalit kay Vice-President Sara Duterte kung mai-impeach ito.
“May lumabas, ‘di ba? Pinaputok nila sa social media, ‘pag na-impeach daw si Inday Sara, ako ang papalit. That’s fake news. That will never happen. ‘Yung parang ako ‘yung papalit, hindi ako ganu’ng klaseng tao, hindi. No,” ang paglilinaw ni Sen. Bong.
“Saka, wala po akong ambisyon d’yan, wala na. Maybe noon, nangarap ako, but no more!” ang matigas pa niyang pahayag.
Comments