top of page
Search
  • BULGAR

Wala na ba talagang Martial Law?

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Sep. 21, 2024



Fr. Robert Reyes

Limapu’t dalawang taon na ngayong Sabado ang proklamasyon ng Martial Law o Batas Militar sa Pilipinas. Marami pa ring nakakaalala sa ika-21 ng Setyembre 1972. 


Nasa kolehiyo tayo noon, katatapos lang ng matitinding bagyo na nagpalubog ng malaking bahagi ng Luzon. Sunud-sunod na humagupit sa maraming bahagi ng Luzon ang mga Bagyong Gloring, Huaning, Isang at Konsing at sunud-sunod din ang deklarasyong, ‘walang pasok’. 


Napakahaba ng bakasyon ngunit para sa aming mga seminarista, walang bakasyon. Naging kabilang kami sa mga volunteer para sa relief and rescue operations. Nandiyan ang lumusong kami sa baha, nanghingi ng mga donasyong damit, pagkain at salaping pambili ng mga pangangailangan ng napakaraming lumikas sa mga evacuation centers. Ito ang aming buhay sa mga kalagitnaang buwan ng 1972. 


Ilang buwan pa lamang nang magbalikan kami sa eskwela, bigla namang narinig ng madaling-araw ng Setyembre 21 ng taong iyon ang tinig ni Francisco “Kit” Tatad na binabasa ang “Proclamation 1081” o ang proklamasyon ng Martial Law sa buong bansa. 


Dahil nalalapit na ang pambansang halalan ng taong 1973 at kakailanganin nang iwanan ni Pangulong Ferdinand Marcos ang kanyang puwesto na hinawakan ng dalawang taon, naghanap siya ng dahilan upang hindi na lisanin ang Malacanang.


Salamat sa mga imbento ng istorya na “lumalala nang husto ang banta ng komunismo sa Pilipinas,” idineklara ang Martial Law para supilin ito.


Nagbago ang lahat mula noon dahil naranasan muli ng marami ang panunupil ngunit hindi na ng mga dayuhan kundi ng nanunungkulan laban sa kanyang sariling kababayan. Hindi na kailangang idetalye ang lahat ng sinasabing paglabag sa mga karapatang pantao, tulad ng mga “warrantless arrests,” “torture,” “enforced disappearance,” “salvaging,” “curfew ng ika-10 ng gabi,” paghuli’t pagkulong sa mga itinuring na “kalaban ng estado,” o “kalaban ng pangulo,” “paglimas sa kaban ng bayan ng mga nakaupo” at ng mga kakampi na tinaguriang “cronies,” maluluhong party sa Malacanang, walang sawang “junket” o mga maluluhong biyahe sa ibang bansa o maluluhong pagdiriwang dito o saan man, at napakarami pang abuso at kalabisang ginagawa at nagagawa dahil hawak ng pangulo ang lahat ng pondo at kapangyarihan sa ating bansa.


Ginawang umanong rason ang pagdami ng mga komunista para ideklara ang Batas Militar, ngunit ito rin ang naging dahilan sa paglago ng nais nilang supilin. Lumala ang kahirapan ng bansa dahil sa luho, pag-aaksaya at pagsimot ng kaban ng bayan ng mga may hawak ng poder at kaban ng bayan. Lumaganap ang takot, at pagtahimik ng marami ngunit lumakas naman ang iba’t ibang uri ng pag-aklas, mapayapa at hindi laban sa mga umaabuso sa mga mamamayan.


Ngayong Sabado sa ika-52 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar, kikilos ang iba’t ibang grupo sa buong bansa upang alalahanin ang malungkot ngunit mahalagang araw na ito. Totoong nangyari ang sistematikong pagpatay sa diwa at katawan ng mga pinaghihinalaang rebelde, ngunit iyon din ang dahilan ng paglaganap at paglalim ng kamalayang repormista at rebolusyonaryo sa ating bansa. Naroroon ang mga repormistang naghahangad ng pagbabago sa mapayapa o pulitikal na pamamaraan. At naroroon din ang mga rebolusyonaryong handang gumamit ng dahas upang pabagsakin ang abusadong rehimen. 


Sa sumunod na 14 taon mula Setyembre 1972 hanggang Pebrero 1986, sari-saring pag-aaklas ang ginagawa ng iba’t ibang sektor sa maraming lugar laban sa rehimen ng diktador at ng kanyang mga kakontiyaba’t kakampi. 


Tumindi ang lahat noong Agosto 21,1983, 11 taon paglipas ng deklarasyon ng Batas Militar nang barilin si Ninoy Aquino sa tarmac ng lumang paliparan. Hindi rin makakalimutan ang petsang ito, ang araw ng pag-alay ng magiting na mamamayan ng kanyang buhay para sa paglaya ng kanyang mga sinisiil na kababayan. Naranasan ng lahat ang pagsibol ng bagong kamalayan at tapang ng marami sa sumunod na panahon.


Sa “snap elections” noong Pebrero 1986, naganap ang katapusan ng mahabang pakikibaka laban sa diktador at ng kanyang mga kasama. Kitang-kita ang pandaraya, pagnakaw ng banal na boto ng bawat mamamayan. Salamat din sa mga nag-walk out sa gitna ng bilangan. Mitsa ito upang mabulgar ang anomalya sa halalan na siyang sinundan ng panghihikayat ni Jaime Cardinal Sin na tulungan ang mga sundalong tumalikod sa diktador. At ito ang EDSA, ang mapayapang pagdagsa ng mga mamamayang mulat at handang magsakripisyo para sa kalayaan ng Inang Bayan sa napakatagal na panahon ng diktadurya at sa napakaraming masasamang bunga nito.


Ito rin ang dahilan ng pagtitipon ngayong Sabado sa Plaza Roma, sa harapan ng COMELEC. Totoong isinisigaw ng marami, “Never again, never forget Martial Law,” at kasabay nito, “No to dynasties, no to electoral fraud, no to corruption.” 

Tama at kailangang wakasan ang dinastiya, dayaan at nakawan na sanhi ng kahirapan!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page