top of page
Search
BULGAR

‘Wag samantalahin ang pera ng bayan, iprayoridad ang ayuda sa mahihirap

ni Grace Poe - @Poesible | August 09, 2021



Dahil sa pandemya, napakaraming kabuhayan ang apektado. Maraming negosyo, hindi lang naghingalo kung hindi tuluyan nang nagsara. Kaakibat nito ang pagkawala ng trabaho at pagkakakitaan ng ating mga kababayang nakaasa sa mga ito para sa kabuhayan.


Palagi nating hinihimok ang pamahalaan na magbigay ng nararapat na suporta sa mga sektor na apektado ng pandemya. Pero dapat, ang bigyan ay ang higit na nangangailangan. Sa kaso ng agrikultura, dapat unahin ang mga magsasaka, mangingisda at iba pang agricultural farmworkers.


Ikinagulat natin ang prayoritisasyon ng Department of Agriculture (DA) sa pamimigay nito ng tulong para sa sektor ng agrikultura. Sa bisa ng DA Memorandum Circular No. 13, inilatag ng nasabing kagawaran ang pagbibigay ng grants na hanggang P5 milyon para sa warehouses at cold storage facilities. Samantala, ang maliliit na magsasaka at mangingisda ay nakatanggap lamang ng ayuda na P5-K noong isang taon, at maaaring umutang ng halagang hindi lalagpas sa P25-K. Take note, utang ‘yan, na kailangan nilang bayaran pa, at hindi bigay!


Kailangan nating patatagin ang sarili nating produksiyon ng pagkain sa ating bansa. Hindi natin matatamo ang seguridad sa pagkain nang hindi inaaalagaan ang ating mga magsasaka. Kailangan nating pabutihin ang kondisyon ng ating mga magsasaka kung gusto nating tumaas ang kanilang produksiyon.


Dapat paalalahanan ang mga tagapamuno ng DA na ang prayoridad ng kagawaran ay ang mga magsasaka at mangingisda, hindi ang importers. Sila ang dapat alalayan sa panahong ito. Bigyan ng ayuda ang tunay na nangangailangan para sa ingklusibong pag-unlad.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page