top of page
Search

‘’Wag pataksaya’ hotline, mapapabilis ang pagresolba sa tubig

BULGAR

ni Ryan Sison @Boses | Mar. 1, 2025



Boses by Ryan Sison

Ngayong papasok na tayo sa mainit na panahon, siguradong magsisimula na ring umusbong ang mga reklamo at hinaing ng marami hinggil sa problema sa ating tubig.


Kaya naman ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pamamagitan ng Water Resources Management Office (WRMO) ay inilunsad ang ‘Wag Pataksaya’ hotline upang kanilang i-streamline ang pagresolba sa mga concern at reklamo ng publiko na may kinalaman sa serbisyo ng tubig.


Batay sa DENR, ang bagong hotline ang titiyak na ang mga isyu ng konsyumer ay mabilis na ididirekta sa naaangkop na water service provider (WSP) para sa agarang aksyon.


Ayon kay DENR Undersecretary for Integrated Environmental Science at WRMO head Carlos Primo David, ang naturang hotline ay isang automated system na magsisilbing tulay sa mga konsyumer sa kani-kanilang water service provider, na sisiguro na ang kanilang mga alalahanin ay makakarating sa mga tamang awtoridad at sa naaangkop na WSP sa kanilang lugar, nang mahusay, kaagad at tama lamang. 


Bagama’t hindi direktang pinangangasiwaan ng WRMO ang mga pagkukumpuni, binigyang-diin ni David ang tungkulin nito bilang isang facilitator upang matiyak na ang mga reklamo ay makakarating sa mga kaukulang ahensya para sa mabilis na pagresolba, kabilang na rito ang Metropolitan Waterworks and Sewerage Systems (MWSS) para sa Metro Manila, Water Districts para sa mga regional town, at ang National Water Resources Board para sa mga pribadong WSP. 


Gayunman, kailangan aniyang i-report o itawag sa kanila ang mga reklamo upang maipabatid din agad sa mga naturang ahensya.


Mahalaga ang tamang pamamahala ng mapagkukunan natin ng tubig o resources. Hindi ito simple na kapag nagkulang o may kakulangan ay madaling resolbahan, lalo’t nararanasan pa rin naman natin ang El Niño phenomenon.


At dahil patungo na rin tayo sa summer season at umiinit na, tiyak na magsusunud-sunod naman ang mga reklamo ng ating mga kababayan hinggil sa serbisyo ng tubig. 


Sa kinauukulan, ngayon pa lamang ay dapat na paghandaan na ito upang hindi na lumala ang magiging problema sa tubig. Alalahanin natin na mas mabuting maagap tayong solusyunan ang naturang suliranin kesa mahirapan tayo sa huli.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page